PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
ISINABAY sa birthday celebration ng model, actor, businessman, at producer na si Marc Cubales ang media launch ng Finding Daddy Blake, na first venture ng MC Productions, ang bagong media and film production company na kanyang pinamumunuan. Ginanap ang event noong February 7 sa Corte Club Bar sa Tomas Morato, Quezon City.
Birthday wish ni Marc na maging successful ang Finding Daddy Blake at suportahan ito ng mga tao lalo na’t ito ang unang sabak niya sa pagpo-produce ng pelikula.
Malaki nga ang pasasalamat ni Marc sa nakukuha niyang suporta na birthday gifts sa kanya ng mga taong malapit sa kanyang puso at mga kaibigan. Kaya naman hindi nagiging mahirap sa kanya ang first venture niya sa pagpo-produce.
“So far everything is going easy kasi in this industry the more na marunong kang makisama, the more na nagiging madali ‘yung project no matter what. So, ganoon ‘yung nangyayari sa akin ngayon. I didn’t expect all the love and support I’ve been getting. Punompuno ng pagmamahal at pagtulong itong project na ito. Actually, I don’t feel any pressure. Mas lalo ko pang gustong pagbutihin at pagandahin itong project na ito. Gusto ko pang galingan!” sabi ni Marc.
Mas pinili ni Marc na mag-produce at maging parte ng cast kaysa magbida sa naturang pelikula dahil gusto niyang matulungan ang mga baguhang artista na kinakitaan niya ng husay at malaking potensiyal. Gayundin ang mga magagaling na veteran artists. Tulong na rin niya ito sa industriya.
“Marami tayong mga artista, baguhan man o veteran na world-class ang talent. I wanna help them. Time naman nila to shine. Behind the camera na lang ako,” ani Marc.
Kabilang sa cast ng Finding Daddy Blake ang critically acclaimed actress na si Rita Avila; 2021 FAMAS, Gawad Tanglaw and Gawad URIAN‘s Best Supporting Actress awardee na si Dexter Doria; 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino Best Supporting Actor awardee Gio Alvarez; FACINE International Film Festival Best Actor awardee Oliver Aquino; Riverside International Film Festival (California, USA) Best Actor awardee Carlos Dala; theater actor Jonathan Ivan Rivera; actress-producer and fashion designer Joyce Pilarsky, at marami pang iba.
Ang pelikula ay ididirehe ng multi-awarded director na si Joselito “Jay” Altarejos, na nagsulat din ng screenplay.
Ayon kay Direk Jay, “This is a BL film but with a different kind of twist. I can’t tell you much, lest I would be tempted to give all the juicy details.”
Produced by MC Productions in cooperation with 2076 Kolektib, ang Finding Daddy Blake ay nakatakdang umikot sa iba’t ibang international film festivals ngayong taon. Nakakasa na rin ang pagpapalabas nito sa Pilipinas at worldwide via online and digital streaming platforms. Iaanunsiyo na lang niya ang playdate.