MATABIL
ni John Fontanilla
MARAMING hirap ang pinagdaanan ni Francine Diaz bago niya naabot ang kasalukuyang estado sa showbiz.
Sa kuwento ni Francine kay Karen Davila, naranasan niyang tawagin siyang tanga ng isang direktor sa isang proyekto na nag-audition siya.
Ayon kay Francine, hindi niya masyadong naintindihan ang ipinagagawa sa kanya ng direktor dahil gutom siya at ‘di pa kumakain.
May usapan kasi sila ng Mama niya na audition muna bago kain kaya naman sa audition ay gutom ito at wala pang kain. “Ang rule namin ni Mama, audition muna bago kakain para tipid. So bawal ka kumain hangga’t hindi tapos mag-audition kasi ‘yung pamasahe tipid lang.
” Siyempre kapag gutom, slow ka mag-pick up ng mga instruction, hindi nagwo-work ‘yung brain,” kuwento ni Francine.
Dagdag pa nito, “So parang may sinasabi ‘yung director at that time na hindi ko na-gets kasi gutom ako noon, pero ibinibigay ko naman ‘yung best ko sa audition. Tapos ang sabi niya, ‘Ang artista dapat matalino, hindi tatanga-tanga.”
Isa nga ito sa experience ni Francine sa showbiz na hinding-hindi niya makalilimutan.
Ikinuwento rin nito na noong panahong nakuha siya para sa Kadenang Ginto ay nangutang sila ng pera para lang may ipamasahe papuntang taping. “Nangutang kami pang-Grab kasi wala kaming pamasahe. Minsan kinakatok namin ‘yung kapitbahay namin ng madaling araw para sa pamasahe,” aniya pa.
Ang mga karanasang ito ang naging baon ni Francine para paghusayan ang kanyang trabaho sa mga proyektong ibinibigay sa kanya ng ABS CBN.