Sunday , December 22 2024
Philippine USA flag

Sa extradition case
US-PH DIPLOMATIC TIES DELIKADO KAY QUIBOLOY

ni ROSE NOVENARIO

MALALAGAY sa alanganin ang diplomatikong relasyon ng Estados Unidos at Filipinas dahil sa extradition case ng spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy bunsod ng tambak na kaso sa Amerika gaya ng child sex trafficking.

Ayon sa ilang political observers, may posibilidad na muling ‘yanigin’ ni Pangulong Duterte ang Amerika dahil sa pagnanais na arestohin ang kanyang spiritual adviser gaya nang muntik niyang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) nang kanselahin ang US visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong Enero 2020 sanhi ng extrajudicial killings sa drug war.

“Hindi malayong mangyari ulit na masakripisyo ang US-Philippines diplomatic ties lalo na’t kilala si Pangulong Duterte na ‘malalim’ makipagkaibigan,” anila.

Inilabas noong nakaraang linggo ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa kanilang website ang wanted poster ni Quiboloy bunsod ng mga kasong “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”

Sa panayam kahapon sa programang Ted Failon at DJ Cha-cha sa Radyo Singko, sinabi ni Far Eastern University (FEU) College of Law dean Mel Sta. Maria, puwedeng hilingin agad-agad ng US sa Philippine government ang pag-aresto kay Quiboloy kahit hindi pa tapos ang summary proceedings kaugnay sa extradition request ng Amerika kapag itinuring siyang ‘flight risk’ o may tsansang tumakas ng bansa.

“Very special ang extradition treaty sapagkat ayon dito sa US-PH Extradition treaty, at sa ilan pang extradition treaties ng Filipinas in relation to the other countries, puwedeng humiling ng provisional measure of arrest na tatagal ng 60 days,” ani Sta. Maria.

“Ibig sabihin kahit hindi pa kompleto ang mga dokumento, let’s say ng Estados Unidos, at hindi pa nasasalang sa korte, at sapagakat baka nga flight risk ang taong ito sa opinion nila, puwedeng hilingin nila sa Department of Foreign Affairs at Department of Justice ang tinatawag na provisional measure of arrest , puwede siyang hulihin kaagad-agad,” dagdag niya.

“Sakaling madakip si Quiboloy,” ani Sta. Maria, “puwede niyang hilingin ang kanyang right to bail o karapatan maglagak ng piyansa para pansamantalang makalaya habang hindi pa natatapos ang extradition summary proceedings sa isang regional trial court sa bansa kapag napatunayan na hindi siya ‘flight risk.’”

Wala aniyang nakatakdang bilangguan sa bansa para sa nahaharap sa extradition case.

“Depende sa gobyerno, dito nga sa atin may naho-hospital arrest, naha-house arrest,” ani Sta. Maria.

Alinsunod aniya sa US-PH extradition treaty, kailangan maghain ng extradition request ang US sa PH government at isusumite ang mga dokumento sa DFA.

Matapos aniyang suriin ng DFA ang mga dokumento at makitang sapat ito ay ibibigay na sa Department of Justice para umpisahan ang extrajudicial proceedings o summary proceedings sa isang regional trial court sa Filipinas.

“Ibig sabihin dali-dali ito sapagkat ang ipinatutupad dito ay isang tratado ng dalawang bansa. Pero siyempre, may due process rin, ang tinitingnan dito sa regional trial court ay kung ang mga dokumentong naisalang sa kanila ay may sapat na probable cause lang, hindi proof beyond reasonable doubt. Hindi ito isang criminal proceedings, parang quasi-administrative proceedings lang ito para tingnan kung ang mga dokumento, alegasyon, at ebidensiyang naihain ay may probable cause para na nga ma-extradite na ang tao,” ani Sta. Maria

Kapag ipinaalam na aniya ng korte sa DOJ na may probable cause, ipababatid ito ng DOJ sa DFA at ang DFA naman ay sasabihin sa Estados Unidos na sunduin na ang akusado.

May legal remedy naman aniya ang akusado at maaaring umapela sa Court of Appeals hanggang sa Korte Suprema at puwede niyang ikatuwiran na hindi siya nabigyan ng due process gaya ng kulang ang mga ibinigay sa kanyang mga dokumento at maghain ng legal questions.

Paliwanag ni Sta. Maria, ang Filipinas ay may tatlong rason para hindi payagan ang extradition kahit kompleto ang dokumento, una ay kung sa tingin ng Filipinas ay politically motivated, political offense ang kasong isinampa sa akusado.

Pangalawa, kung purely military crime pero napaparusahan naman sa Filipinas, puwedeng ipatigil at pangatlo, kung capital offense, kung ang magiging parusa, halimbawa sa Amerika ay kamatayan, puwedeng sabihin ng Filipinas na hindi ipadadala ang akusado sapagkat walang death penalty sa ating bansa.

Sakali aniyang hindi makipagtulungan ang Philippine government sa hirit na extradition ng US government ay maaaring idemanda ang Filipinas sa International Court of Justice (ICJ).

“Ang tratado ay isang kontrata ng dalawang bansa, dapat gampanan, dapat tuparin ng magkabilang panig ang mga nakasaad dito,” ani Sta. Maria.

Kaugnay nito, inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kasalukuyang nirerepaso at pinag-aaralan ng DOJ ang apela para sa isang local case na inihain laban kay Quiboloy.

Kasong rape ang isinampa ng isang babae laban sa KOJC leader noong 2014 at noong 2019 ay naghain siya muli ng mga kasong rape, child abuse, at human trafficking laban kay Quiboloy at lima pang miyembro ng kanyang sekta.

Ani Guevarra, ibinasura ang kaso ng Davao City prosecutor kaya’t umapela ang biktima sa DOJ.

Giit ng DOJ chief, kahit may kinakaharap na local case si Quiboloy ay maaari pa rin siyang ma-extradite batay sa komunikasyon at koordinasyon ng US at Filipinas.

“Nasa pag-uusap ‘yan ng dalawang government kung puwedeng ipahiram muna ‘yung person of interest doon sa foreign government so that this Filipino ay ma-try din in the US court,” ani Sta. Maria.

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …