PROMDI
ni Fernan Angeles
NANANATILING misteryo ang pagkawala ng hindi bababa sa 34 kataong pinaniniwalaang ipinadukot at pinatay ng sindikato sa likod ng game-fixing sa larong sabong.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay ng mga naganap na pagdukot ng mga sabungero sa Maynila at mga lalawigan ng Bulacan, Laguna at Rizal – isang pahayag na karaniwan nang palusot para pahupain ang hinanakit ng mga pamilyang sukdulang nakikiusap na makita man lang ang kanilang padre de pamilya, patay man o buhay.
Ang totoo, sadyang nakaaalarma ang pagkawala ng mga sabungero lalo pa’t naiipit lamang sila sa dalawang nag-uumpugang batong kinatatayuan ng dalawang gambling lords.
Bulong ng ating kaibigan sa punong himpilan ng pulisya, game-fixing ang nakikitang dahilan sa pagkawala ng mga naturang indibiduwal. Kuwento pa niya, lumalabas na sangkot ang mga dinukot na kalalakihan sa bulilyaso sa palaro.
Ang modus – paglalarga ng tsopeng manok sabay pusta sa kabila ng taong nag-utos sa kanilang magbitaw. Sa totoo lang, walang maglalakas-loob gawin ang pilipit na diskarte kung walang basbas ng mismong may palaro.
Posible bang ipinaligpit na lang sila ng utak ng game-fixing kaysa mabulilyaso?
Sa tala ng pulisya, 10 katao ang dinukot sa magkahiwalay na insidente sa Laguna, anim sa Maynila, walo sa Rizal at ang pinakahuli ay ang pagdukot ng 10 indibiduwal sa Bulacan.
Ang siste, ayaw makipagtulungan ng mga prominenteng personalidad at maging yaong mga itinuturing na saksi sa mga nasabing insidente – pahiwatig na tila walang mangyayari sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya, gayondin sa hangad na makita pa ng bawat pamilya ang kanilang padre de pamilya.
Sa puntong ito, higit na angkop na suspendehin muna ang operasyon ng dalawang prominenteng gambling lord sa likod ng nakaaadik na e-sabong.
Bukod sa 34 kataong dinukot, may sapat na dahilan ang gobyerno para rebisahin ang kanilang mga prankisa lalo pa’t bukas maging sa mga kabataan ang palarong may kalakip na pustahan gamit lamang ang mga gadgets at cellphones na karaniwang gamit ng mga kabataan.
Isa lang ang tiyak – walang mabuting dulot ang e-sabong at iba pang uri ng sugal na kinahuhumalingan ng mga Pinoy.
Para sa sumbong, puna, pagtutuwid at reklamo, makipag-ugnayan sa email address: [email protected].