HATAWAN
ni Ed de Leon
HUMINGI ng dispensa si Diether Ocampo sa mga taong naapektuhan ng aksidenteng kinasangkutan niya sa Quirino Highway, noong Biyernes ng madaling araw. Nabangga ng minamaneho niyang SUV ang
likuran ng dump truck. Mabuti’t wala namang nasaktan sa mga basurero, pero wasak ang sasakyan ni Diether.
Mabilis naman siyang isinugod sa Makati Medical Center nang dumating na ambulansiya ng Philippine Red Cross. Si Diether ay may putok sa noo at gasgas sa mga paa. Pero hindi naman iyon malubha kaya pinayagan na rin siya ng mga doctor na umuwi sa kanyang tahanan at doon na magpagaling.
Humingi nga ng dispensa si Diether na nagsabing galing siya sa isang mahabang meeting, medyo pagod at hindi niya ikinakailang maaaring napikit na ang kanyang mga mata kaya nangyari ang aksidente.
Nauna roon may mga witness na nagsasabing amoy alak siya, ibig sabihin
baka naka-inom din sa pinanggalingan niyang meeting. Tiyak iyon, may pananagutan pa rin siya sa nasirang bahagi ng truck, at ang malaking gastos siyempre ay ang sarili niyang sasakyan at ang pagpapagamot.
Pero ok na rin iyon na walang malubhang nangyari sa kanya at walang nasaktang ibang tao. Nagpasalamat din siya sa barangay, sa mga tumulong, sa Philippine Red Cross na nagsugod sa kanya sa ospital at sa mga doctor at iba pang medical personnel na tumulong at
nangalaga sa kanya sa ospital.
Medyo hilo raw si Diether nang dalhin sa ospital. May shock pa siya sa nangyari.
Iyan ang madalas na problema ng mga artista. Pagod na sila sa kanilang trabaho, o kung saan man galing tapos sila pa ang
magmamaneho ng kanilang sasakyan sa pag-uwi, dahil sa pagod malapit na nga sila sa aksidente.
Kailangan talaga ang matinding pag-iingat at ipinapayo nga na kung pagod, magpahinga na muna bago umuwi at mag-drive. Higit na maraming aksidente ang nangyayari dahil sa pagod ng nagmamaneho. Iyon nga lang kadalasan ay nananaig naman ang kagustuhang makauwi agad at makapagpahinga nang husto sa bahay.
Kung pagod na, hanggang maaari huwag nang mag-drive.