HATAWAN
ni Ed de Leon
DOON sa kanyang mediacon, bago nagsimula ay pinatugtog muna ang kantang ginawa ni Pat Cardozo sa Viva Music, Iyong Kailan Ka Babalik. Iyong boses niya talaga pang-ballad at panlaban. Kung iisipin mo na lahat halos ng mga babaeng singers natin ay malapit nang maging senior citizens, aba eh napakalaki ng chances niya bilang singer. Ang mas malaking advantage, song writer din siya.
Noong makita namin siya, lalo kaming nag-isip, singer nga ba siya o artista. Napakaganda kasi ni Pat at nakahihinayang kung pababayaan lang siyang kumanta, samantalang mas maganda siyang ‘di hamak sa mga plain faced na ginagawang artista. Iyon nga lang, galing kasi si Pat sa isang mabuting pamilya at isang dating flight attendant ng PAL, kaya hindi mo iyan maaasahang pumasok sa kung anong klaseng pelikula lang, lalo na kung mahalay.
Pero iyong ganda niyang iyon, lalo na nga’t pinapayagan na ngayon ang mga concert, tiyak na sisikat iyang si Pat. Magaling kumanta, mahusay sumulat ng mga kanta, at maganda pa.
Maganda rin naman daw ang sales ng kanyang unang single, kaya nga minamadali na siya ngayong gumawa ng isa pa. Napagawa na rin siya ng theme song ng pelikula at isa pang ginamit sa isang Tagalized Korean series.