ALAM MO NA!
ni Nonie V. Nicasio
PINABULAANAN ng NET25 ang ilang ulat na ipinalalabas na umatras si Sen. Manny Pacquiao sa interview nito, pero ang crew at hosts pala ang pinag-pull-out ng TV network dahil sa napakahabang oras na paghihintay sa presidential aspirant na hindi tumalima sa napagkasunduan.
Ayon sa Director ng ASPN Primetime na si Jeannie Gualberto, nakipag-ugnayan ang team ni Pacquiao sa NET25 para ma-interview ng programa ang kanilang kandidato. Itinakda ang taping alas-kuwatro ng hapon noong January 31, 2022, sa kanilang headquarters sa Makati City.
Tatlong araw bago ang schedule, ipinalipat nila ng 1:00 pm dahil may conflict daw sa isa pang interview sa ibang network. Subalit sa mismong araw ng scheduled interview, ibinalik muli sa 3:00 pm, sa kadahilanang may senate session. Pagsapit ng alas-tres ng hapon ay humirit na naman na gawing 4:00 pm dahil patapos na raw ang session.
Nang hindi pa rin dumating sa 4:00 pm, nag-abiso muli ang kanyang staff, magbobotohan na raw at pagkatapos nito ay makaaalis na siya mula sa kanyang bahay. Sa puntong ito, nasa sampung oras nang naghihintay ang media crew ng NET25. Kasama nilang naghihintay ang tandem ni Sen. Pacquiao na si former Mayor Lito Atienza na dumating naman ng alas-12 ng tanghali sa naturang HQ para sa interview. Pagsapit ng alas-singko ng hapon, wala pa rin ang dapat sana’y i-interview-hin ng team.
Nang makarating sa management ang pinagdaraanan ng crew at hosts, napagdesisyonan na i-pack-up ang panayam at i-pull-out lahat ng gamit. Ikinonsidera ng management na ang Team ASPN ay mayroong live program pa sa umaga at nakatakdang magsagawa ng interview kay presidential aspirant Ferdinand “BongBong” Marcos, Jr., at Atty. Larry Gadon sa hapon.
Ikinadesmaya ng network ang kawalan ng respeto sa oras ng kapwa. Lubos na nakapagpalala rito ang naglalabasang report na taliwas sa katotohan.
Marami na nga ang kumukuwestiyon sa kanyang kakayahan at karanasan na pamunuan ang bansa sa gitna ng gahiganteng problema na dulot ng pandemya. Idagdag na ngayon dito ang kuwestiyon sa pagkatao niya.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang coverage ng NET25: Mata ng Halalan Presidential interview Election Special.
Pakaaabangan ng mga manonood ang kanilang panayam kay presidential candidate former Sen. Bongbong Marcos, Jr.