HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI naman siguro nangangahulugan iyon na talagang hindi na natin mapapanood si Derek Ramsay kahit na kailan, pero nang may magtanong sa kanya kung kailan siya ulit mapapanood sa isang serye, ang isinagot niya ay “retired.” Nauna rito tinanggihan na niyang gawin ang isang serye na siya dapat ang bida, tapos hiningi niya sa GMA 7 na suspendihin muna ang kanilang contract. Ibig sabihin, nakatali pa rin siya sa GMA 7 pero hindi tumatakbo ang time clause ng kontrata dahil hindi siya available.
Naisip nga namin, hindi ba ganyan din ang ginawa ni John Lloyd Cruz noong magsama sila ni Ellen Adarna na tumagal ng apat na taon? Ang naging advantage nga ni John Lloyd, nawalan ng hold sa kanya ang ABS-CBN nang mawalan iyon ng franchise, dahil legally nang mawala ang franchise, non-existent na ang ABS-CBN bilang isang network, kaya nga automatic, nakakawala rin ang mga artistang hawak nila. Iyong mga gusto pa rin sa kanila, pumirma ng panibagong kontrata sa ABS-CBN, hindi na bilang isang network kundi content company, kaya nakalipat si John Lloyd sa GMA.
Si Derek, mananatiling nakatali sa GMA dahil may umiiral iyong franchise na tatagal ng 20 taon pa. Ang advantage naman niyon, may tiyak na babalikan si Derek kung sakali, pero kailan iyon?
Sinasabing malabo iyon habang nagsasama pa sila ni Ellen at nagpakasal na nga sila.
Naiisip nga namin, bakit parang ayaw ni Ellen na ang kanyang asawa ay maging artista samantalang siya naman ay artista rin.
Pero ano man ang sabihin ninyong dahilan na maaaring naka-impluwensiya kay Derek, personal niyang desisyon iyong umalis muna sa showbiz. Siguro naman may haharapin siyang mga negosyo dahil kung hindi, paano niya bubuhayin si Ellen at ang kanilang magiging mga anak kung sakali.
Kung sakali naman at maisip niyang magbalik-showbiz, mayroon pa siyang babalikan. Ang problema lang kung medyo magtagal ang kanyang retirement, maaaring maapektuhan din ang kanyang popularidad bago siya magbalik. Pero palagay namin, kaya ni Derek iyan.