NAMAALAM na ang award-winning veteran actress at direktor na si Rustica Carpio noong Feb. 1 sa edad na 91. Kinompirma ito ng kanyang mga pamangkin na sina Myrea Baquiran at Nessea Carpio sa pamamagitan ng social media.
Anang mga pamangkin, binawian ng buhay ang beteranang aktres sa bahay nito sa Cavite,
“We wish you farewell in your journey to eternity. You’d never be forgotten. Rest in peace, Tita Rustica Carpio,”mensahe ni Nessea sa kanyang Facebook account.
Sinabi naman ni Myrea na kahapon, Feb. 2, isasagawa ang cremation sa labi ni Carpio.
Bukod sa pagiging aktres at direktor, isa ring author, playwright, scholar, literary critic at book editor si Carpio. Naging dean din siya ng College of Languages and Mass Communication (College of Communication) sa Polytechnic University of the Philippines.
Kabilang sa mga karakter na ginampanan niya noon sina Lady Macbeth, Sisa, Teodora Alonzo, Leonor Rivera at marami pang iba.
Ang una niyang pelikula niya ay ang Nunal sa Tubig na ipinalabas noong 1975 na idinirehe ng National Artist for Cinema na si Ishmael Bernal. Nabigyan din ng mga parangal si Carpio tulad ng Best Actress sa 33rd Gawad Urian noong 2010 para sa pelikula ni Brillante Mendoza na Lola.
Sa Lola rin siya kinilala bilang Crystal Simorgh Best International Actress sa 2011 Fair International Film Festival (Iran), at best actress sa 2010 Las Palmas International Film Festival (Gran Canaria, Spain).
Ang iba pang mga pelikulang nagawa ni Carpio ay ang Aliw (1979), Bona (1980), T-Bird At Ako (1981), Moral (1982), Rizal In Dapitan (1997), at Captive (2012).
Mula sa Hataw, ang taos-puso naming pakikiramay sa mga naiwan ni Dean Carpio.