RATED R
ni Rommel Gonzales
IBINAHAGI nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang pakikipaglaban ng kanilang pamilya sa COVID-19.
Sa latest vlog ni Jennylyn, ikinuwento ng aktres na dalawang linggo na silang nananatili ni Dennis sa isang condo unit dahil nagpositibo sa COVID-19 ang mga kasama nila sa bahay.
Malaki naman ang pasasalamat ng mag-asawa na ligtas sila mula sa virus, maging ang anak ni Jennylyn na si Alex Jazz.
“Ito na ‘yung aming second week dito kasi halos lahat ng tao sa bahay namin ay nag-positive,” pagbabahagi ni Jennylyn.
Dagdag niya, “After new year, mga January 4, may isang tao na na-expose tapos ‘yun sunod-sunod na ‘yung buong bahay, except kaming dalawa ni Dennis at si Jazz. Kaya hindi namin kasama si Jazz ngayon kasi exposed naman siya roon sa yaya niya na positive rin. Sinigurado muna namin, siyempre baka maging carrier si Jazz at mahawa rin ako.”
Anim na buwan na ngayong buntis si Jennylyn sa baby girl nila ni Dennis kaya naman doble-ingat ang ginagawa nilang mag-asawa.
“Six months ko na. Iniwan namin si Jazz sa bahay pero naka-isolate s’ya. Actually lahat ng tao [sa bahay] naka-isolate,” sabi ni Jennylyn.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Jennylyn sa asawa sa pag-aalagang ginawa nito simula nang lumipat sila sa condo.
“Si Dennis ang halos lahat gumagawa ng mga bagay dito sa condo. Ayaw niya naman akong pakilusin. Si Dennis ang nagluluto, lahat-lahat, naghuhugas, naglilinis,” kuwento ng aktres.
“Masuwerte ako na kasama ko siya rito kasi naaalalayan ako nang husto, naaalagaan.”
Para makaiwas na mahawaan ng virus, sinisigurado nina Dennis at Jennylyn na na-disinfect lahat ng deliveries nila bago makapasok sa loob ng unit.
“Hindi ko maintindihan minsan kasi si Jen sobrang praning. Kaya siguro hanggang ngayon hindi pa rin kami nagkaka-COVID dahil sa extra awareness na ‘yun,” sabi ni Dennis.