Friday , April 4 2025
Duterte money ABS CBN

Midnight deal
ABS-CBN BROADCAST FREQUENCIES INATADO PARA SA ‘OLIGARKA’

ni ROSE NOVENARIO

MAITUTURING na midnight deal ang pag-atado sa ABS-CBN broadcast frequencies ng gobyerno para ipamudmod sa ‘nagsulputang oligarka’ sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Para siyang isang midnight appointment , malapit nang matapos ‘yung administrasyon, bigla na lang nagbibigay siya ng kung ano-anong frequency at kung ano-anong pabor sa kanyang mga kaalyado,” ayon kay media law expert Marichu Lambino sa panayam ng Frontline Tonight sa News5 kagabi.

Ang pahayag ni Lambino ay kasunod ng ulat na pinaghati-hatian ng Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS), Aliw Broadcasting Inc., at Sonshine Media Network Inc. (SMNI) ang broadcast frequencies na binawi ng Kongreso mula sa ABS-CBN.

Ang AMBS ay pagmamay-ari ng pamilya ni dating Speaker Manny Villar habang ang Aliw Broadcasting ay sa pamilya ni Cabangon-Chua, pawang mga kaalyado ni Duterte.

Ang SMNI ay pagmamay-ari ng kabigan at dating spiritual adviser ni Pangulong Duterte na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kaso sa Amerika gaya ng child sex trafficking.

Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), ang Channel 2 at 16 ay nasungkit ng AMBS, ang Channel 23 ay napunta sa Aliw Broadcasting at ang Channel 43 ay nakuha ng SMNI

“Maaaring gamitin para pagkakitaan. Alam naman natin lahat na kandidato itong anak ni Manny Villar para sa Senado. Tiyak na magagamit ‘yung free TV Channel 2,” ani Lambino.

Kinuwestiyon din ng democracynet.ph, ang usapin na parang itinago o inilihim ng NTC sa publiko ang mga available frequency.

“Transparency is always important especially we’re talking about Philippine patrimony here. That spectrum is patrimony that is pag-aari ng Filipino ‘di ba and therefore whoever used them exclusively, we the citizens have a right to know who is using them exclusively,” sabi ni democracynet.ph co-founder Pierre Galla.

Ipinagtanggol ng NTC ang mga ibinigay na prankisa sa ‘nagsulputang oligarka’ dahil sumunod umano sa proseso ang AMBS, Aliw, at SMNI at may basbas din ng Department of Information and Communication Technology (DICT) , Department of Justice (DOJ) at Office of the Executive Secretary.

Dumistansya ang DOJ sa usapin at ‘bulag’ umano ang kagawaran sa isyu kung kanino mapupunta ang ini-request na frequency dahil hindi naman binabanggit ang pangalan sa kanila.

“The DOJ is not aware of how there were available frequencies came about. We don’t know whose entity, whose franchise expired. And we do not know also to whom these available frequencies will be assigned to,” sabi ni Atty. George Ortha II, DOJ chief state counsel.

Matatandaan noong Nobyembre 2021, sinabi ni Sen. Christopher “Bong”Go, maaasahan ni Quiboloy ang moral support ni Pangulong Duterte ngunit hindi hahadlang ang Punong Ehekutibo sakaling hilingin ng US authorities ang extradition ng spiritual adviser.

“I cannot speak in behalf of the President. Kaibigan sila ni PRRD. Nand’yan si Pangulo to give moral support as dati niyang spiritual adviser. Meron namang hustisya at extradition treaty,” dagdag niya.

Sinabi ni Go, magkaibigan talaga sina Pangulong Duterte at Quiboloy.

“Kaibigan sila. Si Presidente, ‘pag kaibigan ka, kaibigan ka,” ani Go.

Nauna rito’y inianunsiyo ng US prosecutors ang pagsasampa ng mga kasong sex trafficking, child sex trafficking, money laundering, bulk cash smuggling, marriage and visa fraud at iba pang paglabag sa federal law laban kay Quiboloy at walo pa niyang tauhan sa KOJC.

Nakasaad sa 74-pahinang sakdal, nagpapatakbo ng sex-trafficking operation si Quiboloy at mga kasabawat at nagbabanta sa mga biktima na ang iba’y 12 anyos ng ‘eternal damnation’ at physical abuse kapag pinipilit silang makipagtalik sa KOJC leader.

Napaulat, nais ng US authorities na kompiskahin ang mga ari-arian ni Quiboloy dahil itinuturing ng Federal Bureau of Investigation (FBi) na ‘ill-gotten’ ang properties niya sa Amerika dahil hinihinalang bunga umano ito ng mga krimeng kanyang ginawa.

Sa isang kalatas, tinagurian ng KOJC na ang mga kaso laban kay Quiboloy ay isang “vicious attempt” para siraan ang kanilang leader.

Para kay Bagong Allyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes Jr, si Villar ay isang burukrata kapitalista.

“Napakalinaw talaga na ito ay kaso ng burukrata kapitalismo, o ang paggamit ng poder sa politika, para maisulong ang negosyo. Iimbestigahan ba ito ng Senado gayong may Villar na Senador?”

Sa kasalukuyan ang pamilya Villar ay pawang nakapuwesto sa gobyerno. Ang pangalawang anak na si Mark Villar ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagbitiw noong Oktubre 2021 para maghain ng kandidatura para senador. Ang asawa ni Mark, na si Emmeline Aglipay-Villar, ay kasalukuyang undersecretary sa Department of Justice (DOJ). Ang ina na si Cynthia Villar, ay kasalukuyang senador. Nag-iisang anak na babae si Camille Lydia Villar, kinatawan ng Las Piñas sa Mababang Kapulungan, at isa sa mga itinalagang deputy speakers. Ang panganay na anak na si Manuel Paolo ay namamahala sa kanilang maraming negosyo at kalakal gaya ng pabahay, gusali, libingan, tubig, malls, convenience stores, at iba pa. Ang ama na si Manny Villar, mula sa pagiging CPA ay naging congressman, senador, naging senate president, at tumakbong presidente ngunit nabigo laban sa yumaong dating Pangulo na si Benigno “Noynoy” Aquino III.

About Rose Novenario

Check Also

Benhur Abalos Jr

Abalos bitbit ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas

OPISYAL nang inendoso ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LNB) ang kandidatura ni dating …

Bulacan Police PNP

Crackdown ng Bulacan PNP laban sa krimen, walong pugante at isang tulak nasakote

SA WALANG tigil na anti-criminality operations, naaresto ng pulisya ang kabuuang siyam na indibidwal na …

PNP PRO3

Mga insidente ng krimen sa Central Luzon, bumaba ng 19.37%

INIULAT ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang pagbaba sa mga insidente ng krimen sa …

Bulacan DOH-CLCHD IMPACT Awards

DOH-CLCHD, kinilala ang mga programa ng Bulacan para sa infectious diseases

KINILALA ng Department of Health-Central Luzon Center for Health Development (DOH-CLCHD) ang mga pagsisikap ng …

Ayuda mula sa gobyerno mahalaga pero mamamayan ‘di dapat umasa — Pamilya Ko Partylist

Ayuda mula sa gobyerno mahalaga pero mamamayan ‘di dapat umasa — Pamilya Ko Partylist

NANINIWALA si Pamilya Ko Partylist (PKP) 1st Nominee Atty. Anel Diaz na malaki ang naitutulong …