FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
KAHIT paulit-ulit pang itanggi ng gobyerno, hindi mapapasubalian na ang paghihigpit na ipinatutupad nito ngayon upang limitahan ang galaw ng mga hindi bakunado sa bansa ay isang uri ng diskriminasyon.
Sa una, pinagbawalan ang mga hindi bakunado na pumasok sa restaurants, malls, at iba pang closed-door commercial at personal service establishments; hindi rin sila puwede kahit sa mga simbahan. Kasunod nito, binawalan silang lumabas ng bahay maliban na lang kung may importanteng gagawin, tulad ng pagbili ng pagkain. Simula kahapon, pinagkaitan na rin silang sumakay sa anumang uri ng pampublikong transportasyon.
Naiintindihan kong marami sa atin ang nakombinsi na walang kinalaman dito ang diskriminasyon dahil pinapaniwala tayong para rin naman daw ito sa kabutihan ng nakararami. Sa kasong ito, pinaniwala tayong ang pagkakait sa mga karapatan ng mga hindi bakunado ay kinakailangan upang mapigilan ang malawakang hawaan ng CoVid-19.
Simula nang magbanta si Pangulong Duterte na aarestohin ang mga ayaw magpabakuna na laging laman ng lansangan, naging mantra na ng bawat ahensiya ng gobyerno ang panindigan na ito ang makabubuti para sa mas nakararami. Ang iba, iginigiit na ito ang pinakatamang gawin – “upang maprotektahan ang mga hindi bakunado mula sa malala o nakamamatay na pagkakahawa.”
Pero sa nakalipas na mga araw, maraming ‘tila natauhan nang taga-gobyerno kumukuwestiyon sa katwirang ito. Halimbawa, pinuna ni Senate President Tito Sotto ang kawalan ng batas na pagbabasehan ng mga paghihigpit na tulad ng “no vaccination, no ride” policy. Hinamon naman ni Senator Koko Pimentel ang legalidad ng pagkakaroon ng pambansang tala ng mga hindi pa nababakunahan upang tiyaking mananatili lang sila sa loob ng bahay.
Ngayong nagsulputan ang mga bagong pag-aaral na nagpapatunay na ang mga kompleto ang bakuna ay maaari pa rin dapuan ng ngayon ay dominant nang Omicron variant at maipasa ito sa iba, tulad din ng mga hindi bakunado — lumalabas na ang intensiyon ng mga paghihigpit na ito laban sa mga tumatangging maturukan ay ang puwersahin silang magpabakuna.
Kaugnay nito, nanawagan si Sotto ng alternatibong paraan ng pagkombinsi para mapapayag ang mga nag-aalangan sa bakuna. Binatikos ng dating senador na si Sorsogon Governor Chiz Escudero kung paanong biglang nagbago ng tono ang gobyerno; mula sa pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado, plano na ngayong i-disincentivize ang mga hindi bakunado. Tanong pa nga ni Sotto: Paano naman ang mga hindi bakunado na gumaling sa CoVid-19 at ngayon ay mas marami nang antibodies laban sa virus, parurusahan din ba sila?
Nakalulungkot na nagbago na ang estratehiya. Noon, ang pagkakaroon ng vaccination card ay magbibigay sa isang tao ng diskuwento sa groceries, freebie sa restaurants, express lane sa transaksiyon sa gobyerno, premyo sa roleta ng gym, libreng delivery ng mga pinamili, ilang kilo ng bigas at noodles mula sa barangay, o maging libreng sakay papunta sa vaccination site. Ano ngayon ang para sa mga nagdadalawang-isip pa kung magpapabakuna – multa at kulong?
Linawin lang natin. Naniniwala akong makabubuti para sa ating lahat kung ang bawat Filipino ay kompleto sa bakuna, at kung pupuwede na, ay mabigyan ng booster upang makaiwas sa nakamamatay na CoVid-19 at nang maisalba na rin sa pagkakalugmok ang ating healthcare system. Pero naniniwala rin akong hindi dapat na maisaalang-alang dito ang mga karapatan ng minorya – ang 30 porsiyento ng populasyon na hindi pa nababakunahan. Nasa 18 milyon ito ng ating mga kababayan. Hindi ba’t bahagi rin naman ng kabutihan ng nakararami ang bigyang-proteksiyon ang mga pangunahing karapatan ng publiko sa harap na rin ng nakauumay nang pandemya?
‘Wag tayong mag-discriminate.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.