PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibongga
Sumasang-ayon si Vandolph sa mga kuya niyang sina Eric at Epy Quizon na naging maganda ang pagpapalaki sa kanila ng ama nilang si Comedy King Dolphy kaya naging maayos ang samahan nila bilang magkakapatid kahit pa iba-iba sila ng ina.
Wala kay Vandolph ‘yung half-siblings. “Ako naman ever since when I was young, wala talaga akong tinratong half, half-brother o half-sister. Mag-isa lang ako sa nanay ko (Alma Moreno), so lahat sila kapatid ko. At saka pinalaki kami ng Dad namin na lagi kaming pinagsasama, nagkikita-kita. Every Sunday nagdi-dinner kami. When I was young kumakain ako sa bahay nina Kuya Eric, kina Kuya Epy. Basta mahal mo ‘yung tao, basta magkadugo kayo, magkadugo kayo,” paliwanag ni Vandolph.
Kaya naman pati sa trabaho ay magkakasundo sila. Happy nga si Vandolph na magkakasama sila nina Eric at Epy sa bagong gag show ng NET 25, ang Quizon CT (Comedy Theater), na nag-premiere na noong January 9. Doble rin ang kasiyahan ni Vandolph dahil bukod sa kanyang mga kuya ay kasama rin nila sa show ang misis niyang si Jenny Quizon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na magkasama-sama sila sa isang show pero maraming taon na rin nang huli silang magsama sa ABS-CBN sitcom na Quizon Ave. at pinakahuli sa Pidol’s Wonderland sa TV5, na nakasama nila sa parehong show ang kanilang amang si Dolphy bago ito namatay.
Kaya nga kahit parehong nasa politika sina Vandolph at Jenny bilang public servants ay hindi nila mapapalagpas ng pagkakataon na muli silang magsama-sama sa isang show with Eric at Epy para magbigay kasiyahan sa mga tao.
“Of course, hindi maiaalis sa amin ng wife ko na ma-miss namin ang pagharap sa TV o ang pagpapasaya ng tao dahil siyempre rito kami minulat talaga. At napakasarap sa feeling na ‘yung trabaho namin ay nakakapagpasaya sa mga tao like doing a gag show with my brothers -Kuya Epy, Kuya Eric, and of course, my wife, ‘yun pa ‘yung bonus eh. Tapos we’re giving justice or continuing the legacy of my father. Ibinabalik namin ‘yung totoong comedy ba na kailangan natin sa panahon ngayon.
“Kung iisipin niyo ang trabaho po ng isang public servant ay hindi madali lalo na sa panahon ng pandemya. Pero by doing this (show) siguro sa kaunting oras nalilibang namin ‘yung mundo namin para maka-reset ‘yung aming pag-iisip to do a better job in our craft,” ani Vandolph.
Nag-e-enjoy din si Vandolph sa iba pa nilang kasama sa Quizon CT na sina Martin Escudero, Bearwin Meily, Gene Padilla, Garry Lim, Tanya, Charuth, at Billie Hakenson.
Thankful nga si Vandolph sa ibinibigay na pagmamahal, pag-aalaga, at importansiya sa kanila ng NET 25 through their show Quizon CT.
Directed by Eric and Epy, ang Quizon CT ay mapapanood tuwing Linggo, 8:00 p.m. sa NET 25. Nag-stream live rin ito sa YouTube channel at Facebook page ng NET 25.
Andrew E. reunited sa LizQuen sa Amerika
TUWANG-TUWA si Andrew E. na reunited siya sa mahal niyang sina Liza Soberano at Enrique Gil nang magkita-kita sila habang nagbabakasyon sa Los Angeles, California.
Sinamantala nga ni Andrew E. ang pagkakataon na makapag-selfie sa LizQuen at ipinost ang pictures nila sa kanyang Instagram kasama ang caption na, ”I miss and I love these two.”
Nakatrabaho ni Andrew E. ang LizQuen sa 2016 teleserye ng ABS-CBN na Dolce Amore na ginampanan ni Andrew E. ang karakter ni Uge, ang tunay na ama ni Serena (Liza) na umibig naman kay Tenten (Enrique).