BILANG na ang mga araw ng illegal recruiters at fixers na nambibiktima ng mga Filipino na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa sa oras na maitayo ang Department of Migrant Workers (DMW), ayon kay Senator Joel Villanueva.
Ani Villanueva, principal sponsor at may-akda ng Republic Act No. 11461 na nagtatatag sa Department of Migrant Workers, tinatanggal ng batas ang mga puwang na ginagamit ng mga illegal recruiter at fixer para mambiktima ng mga manggagawang Filipino na naghahangad ng maayos na pamumuhay sa kanilang pamilya at mahal sa buhay.
“Ito pong mga fixer at illegal recruiter, hindi lang ang mga kababayan natin ang nabibiktima, pati na rin ang mga pangarap nila para sa kanilang pamilya. Kaya sa bagong DMW na itatatag, tinatanggalan natin sila ng pagkakataong manloko ng ating mga kababayan,” ani Villanueva, chairman ng Senate labor committee.
“Isa na lang po ang entry at exit point para sa lahat ng transaksiyon para mabilis ang daloy ng proseso ng ating OFWs,” ani Villanueva. “Pinagsama-sama na po natin ang lahat ng ahensiya sa iisang bahay upang mas pabilisin ang serbisyo at gawing streamlined ang mga proseso.”
Hindi na umano kailangan lumuwas ng Maynila ang mga OFW para sa ayusin ang kanilang papeles dahil magtatayo rin ng mga tanggapan sa mga rehiyon ang DMW, na magsisilbing one-stop shop center sa mga OFW.
Nakasaad rin sa RA No. 11461, ang malinaw na panuntunan sa ethical recruitment o ang legal na pagkuha sa mga manggagawa sa patas at malinaw na paraan na nagtataguyod sa karapatan at dignidad ng mga OFW mula sa pang-aabuso at pananamantala, ayon kay Villanueva.
Isa ang Filipinas sa mga naunang bansa na pumirma sa UN Global Compact on Migration na naglagay ng malinaw na probisyon sa batas sa usapin ng ethical recruitment.
Saklaw rin ng ethical recruitment ang pagbibigay ng pahintulot sa mga dayuhang principal at employer, maging ang paggawad ng lisensiya at regulasyon ng mga recruitment agency sa bansa upang wakasan ang mga kaso ng contract violation at substitution, na ilan sa mga klase ng pang-aabusong nararanasan ng mga OFW.
Magkakaroon ng blacklist ng mga tao at ahensiyang sangkot sa human trafficking sa ilalim ng DMW na magiging sandata ng OFW laban sa mga illegal recruiter, ayon sa mambabatas.
“Higit sa pagsupil sa mga pagkakataon para sa mga illegal recruiter at mga fixer para makabiktima ng mga OFW, malinaw po na prayoridad ng ating gobyerno ang paggawa at paglikha ng trabaho dito sa ating bansa. Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay dapat kusang-loob ng isang manggagawa,” ani Villanueva.
Sa kabila ng daan-daang kasong inendorso ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Justice Department para litisin, dalawang kaso lang sa bawat taon noong 2019 at 2020 ang nahatulan ng illegal recruitment.
Binanggit ni Villanueva ang sitwasyon sa Middle East kung saan umabot sa 240 ang mga kaso ng sexual abuse at rape noong 2020 lamang. Nakapagtala rin ang gobyerno ng 4,302 kaso ng pagmamaltrato sa OFWs at 21,265 kaso ng contract violation at substitution noong 2020.
(NIÑO ACLAN)