BINAWIAN ng buhay sa pagamutan ang suspek na pinagbabaril ng mga nagrespondeng pulis dahil sa pagtaga sa kanyang mga biktima sa naganap na hostage taking sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal, nitong Sabado ng umaga, unang araw ng Enero.
Kinilala ni P/Lt. Col. June Paolo Abrazado, hepe ng Antipolo police, ang biktimang sinaksak sa leeg na si Teresa Lorena, 37 anyos, habang nailigtas ng mga awtoridad ang dalawa pang biktimang sina Mary Grace Lorena, 25 anyos; at isang anim na buwang sanggol na si Sabel Lorena.
Samantala, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na dinala sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC).
Ayon sa pahayag sa pulisya ng ama ng mga biktimang si Joe Lorena, dakong 5:00 am kamakalawa nang pasukin ng suspek ang kanilang bahay na armado ng itak at kutsilyo sa No. 7 Phase 1, Seruna Village, Brgy. Mambugan, sa naturang lungsod.
Hinala ng pulisya, pagnanakaw ang motibo ngunit nagising ang biktimang si Teresa kaya sinaksak siya sa leeg ng suspek.
Halos isang oras tuma-gal ang pangho-hostage ng suspek kina Mary Grace at sa sanggol habang kinakausap siya nina P/Lt. Col. Abrazado at P/Maj. Dante Aquino ng Highway Patrol upang sumuko.
Nang tangkain ng suspek na tagain pa si Mary Grace, dito pinagbabaril ng mga awtoridad ang suspek na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan saka idineklarang dead on arrival sa nabanggit na pagamutan.
Kritikal dahil sa maraming sugat ang biktimang si Teresa. (EDWIN MORENO)