PROMDI
ni Fernan Angeles
MINSAN pa’y pinatunayang walang panamang tibay ng anumang estruktura kapag pinamahayan ng anay.
Ito ang kuwento ng isang opisyal sa Lungsod ng Pasay kung saan maging ang anay – mahihiya sa katakawan ng isang kaanak ng nakaupong alkalde.
Tawagin na lang natin ang nasabing opisyal sa pangalang Teretitat na nagpapakilalang pamangkin ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Para sa mga kawani ng lungsod, isang tunay na tigasin si Teretitat. Katunayan, little mayor ang bansag nila sa nasabing opisyal na anila’y garapalang kumokolekta sa mga katransaksiyon ng pamahalaang lungsod.
Ayon pa sa ating impormante, kompirmadong kaanak ni Mayor si Teretitat. Patunay ng tikas nito, walang dokumentong lalapag sa tanggapan ng tunay na mayor kung hindi daraan sa kanya. Partikular na interesado si Teretitat sa mga transaksiyong pinapasok ng pamahalaang lungsod – mapa-impraestruktura, supply deals, mga service engagements at iba pa. Sadyang walang pinalalagpas na pagkakataon ang masinop na opisyal.
Sa isang banda, mahusay ang kanyang diskarteng pagsala ng mga dokumento bago pa mailapag sa harap ng alkalde. Ang siste, puro balukol ang kanyang pakay, maski sa barya-baryang supply contracts hindi pinapatawad. Sa pakiwari ng ating impormante, nasa kamay ni Teretitat ang pagpapasya kung sino ang dapat gawaran ng kontrata – bagay na ayon sa mga abogadong ating nakausap ay malinaw na paglabag sa Government Procurement Act na nagtatakda ng public bidding sa mga proyekto at programa ng gobyerno.
Bulong ng impormante, tumataginting na 15% ang kinukultab na SOP dapat bayaran bago pa man lagdaan ng kanyang tiyahin ang kontrata. Susmaryosep! Hindi naman pala katakawan!
Ang nakalulungkot na bahagi ng kanyang pagposturang reyna sa lungsod ay garapalang pambubukol sa iba pang opisyal na puwersahang pinapipirma sa mga dokumento dahil utos daw ‘yun ng kanyang tiyahing alkalde.
Hindi pa sa kontrata natatapos ang kanyang impluwensiya. Maging sa pagtatalaga ng mga tao, sa kanya rin bumabagsak na tila ba wala nang iba pang gagawin ang tunay na alkalde kundi lumagda sa mga dokumentong inihahain ng talipandas niyang pamangkin.
Lubos akong naniniwala sa integridad ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano. Sa aking pakiwari, hindi-hindi niya nanaising dungisan ng kanyang mga kaanak ang iningatan niyang pangalan.
Ang nararapat niyang gawin – linisin ang kanyang bakurang patuloy na ginagahasa ng mga taong hindi rin naman iba sa kanya. Pero hindi sapat na mawala lang si Teretitat sa eksena. Dapat sa kanya, papanagutin sa kalapastanganan hindi lamang sa tunay na alkalde kundi maging sa pamahalaang lungsod na kanyang pinamumunuan.