SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAKATUTUWANG unti-unti nang nagbubukas ang mga sinehan. Sa dalawang magkasunod na linggo, naimbitahan kami manood sa sinehan para sa special screenings. Ang una ay ang More Than Blue ng Viva Films at ang ikalawa ay ang private block screening ng Marvel film na Shang Chi and The Legend of the Ten Rings sa Cinema ‘76 Anonas.
Iba pa rin talaga ang feeling na sa isang movie house ka nanonood ng pelikulang gusto mo. Malaki ang screen, maganda pa ang sound. Ganitong-ganito ang na-experience namin sa Cinema ‘76 Anonas lalo’t hitik sa action at special effects ang pelikula kaya dinig mo ang lahat ng klase ng tunog o ingay.
Simula nang magka-pandemic isa sa unang naapektuhan ang mga sinehan kaya naman maraming workers ang nawalan ng trabaho. Hindi nalalayo rito ang Cinema ‘76 na nagsara ng kanilang San Juan branch noong Setyembre 2021.
At nitong June 2021 nagbukas ang Cinema ‘76 Cafe (Sine Kape atbp) , ito ‘yung restoran sa ibaba ng Cinema ‘76 para maka-attract ng mga movie goer.
Pero bago binuksan ang cafe, sumailalim muna ang mga microcinema staff sa training para mas maayos silang makapag-serve bilang barista.
Nito lamang November 17 binuksan naman ang Cinema ‘76.“A lot of people have been requesting for us to reopen soon and we are delighted to finally welcome everyone back to Cinema ‘76!,” ani Daphne Chiu, Executive Vice President at General Manager ng Cinema ‘76.
Ani Chiu, tinitiyak nila na ligtas ang sinumang manonood sa Cinema ‘76 ayon na rin sa pagsunod sa safety protocols na iniuutos ng Inter-Agency Task Force for the Management of Energing Infectious Diseases (IATF) at Quezon City Covid-19 guidelines. At naobserbahan namin ito na bago makapasok sa sinehan ay kailangan ng QC pass code at vaccination card. Limitado rin ang bilang ng mga puwedeng manood kaya safe na safe ka, feeling at home ka pa dahil sa komportable ang lugar sa pag-eenjoy.
Sinabi pa ni Chiu na regular na nililinis at dini-disinfect ang sinehan bago at pagkatapos ng screening. Hindi rin pinapayagan ang pagpasok ng pagkain at inumin sa loob ng sinehan. Pero puwede namang mag-enjoy sa masarap ng pagkain at inumin pagkatapos manood ng sine sa kanilang open-air cafe sa ibaba ng Cinema ‘76.
At kung gusto ninyong ma-experience ang magandang panonood, mag-book online sa pamamagitan ng pag-scan ng cinema’s QR code. Ngayong linggo, mapapanood dito ang Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings at Princess Diana’s biopic Spencer. Ang iba pang mapapanood sa Cinema ‘76 ay ang Marvel Studios na Eternals sa Dec. 1 na may advance screening sa Nov. 30 at ang walong entries na kasali sa Metro Manila Film Festivals.
Idinagdag pa ni Chiu na open ang Cinema ‘76 sa mga private screenings, “especially for those who would feel more comfortable sharing the cinema with their loved ones.
Ang Cinema ‘76 ay matatagpuan sa 3rd floor ng Anonas LRT City Center sa Aurora Boulevard. Maa-access ito via bridgeway ng Anonas LRT-2 Station. Para sa booking inquries, mag-email sa [email protected] o tumawag sa 09777054276.