ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ni Ali Forbes na magkahalong saya at excitement ang naramdaman niya nang nakapasok sa Metro Manila Film Festival ang movie nilang Nelia.
Ito’y mula sa A and Q Productions Films Incorporated at pinagbibidahan ni Winwyn Marquez. Kasama rin sa pelikula sina Raymond Bagatsing, Mon Confiado, Dexter Doria, Shido Roxas, at iba pa, mula sa pamamahala ni Direk Lester Dimaranan.
Pahayag ng magandang aktres/singer, “Grabe, sobrang overwhelming po dahil noong March pa po namin ito nagawa. Actually, yung A & Q Production, initial venture nila ito, tapos ay iniisip nila kung saan ipapalabas dahil wala pa nga po tayong mga sinehan noong time na iyon.
“Hindi po namin expected na out of 19 movies ay pumasok po yung Nelia, kaya sobrang overwhling po, nakakatuwa dahil ang pagod po siyempre ng aming producer, mga staff, at mga artista, sulit po, parang gumaan pa lalo ang aming pakiramdam.
“Sobrang saya ko po na nakapasok ang Nelia sa MMFF. Super-excited na ako na mapanood ito ng ating mga kababayan. Dahil kakaiba yung kuwento po, magugulat sila sa mga twist ng movie.”
Dagdag pa ni Ali, “Dapat po na huwag nilang palagpasin itong Nelia at unahin sana nilang panoorin sa filmfest dahil ito ang movie na lalaruin ang imagination ng viewers.”
Ano ang role niya sa movie?
Tugon ni Ali, “Ang role ko po rito is nurse Ana, isa po ako sa kasama ni Nelia, which is Wynwyn Marquez sa hospital. Kasama rin po namin si Sir Raymond Bagatsing, na siyang aming Dr. Rey doon.
“Si Ana actually ay kakakaiba siya, parang misteryosa yung character niya at isa siya sa magbibigay ng twist doon sa movie. So, abangan nyo po iyan.
“Gusto ko lang din pong i-share na rito sa pelikulang Nelia, may ginawa po akong never ko pang ginawa, mapa-TV man or sa movie man. Kaya sana po ay suportahan ninyo.
“Saka, lagi ko pong sinasabi na sulit po talaga kapag napanood ninyo, dahil napakagandang movie po nitong Nelia.”
Pahabol na kuwento pa ni Ali, “Ang Nelia po ay suspense-thriller po siya … at saka ito pong kuwento ni Nelia, never ko pang napanood sa movie na sa Filipinas ginawa.
“So, medyo parang Hollywood ang style, iba talaga siya. Iyong akala mo, kunwari iisipin mo na horror ba ito? Pero kapag pinapanood mo, parang hindi naman… tapos iisipin mo na parang suspense ba ito? Marami siyang twist, sobrang dami niyang twist.
“At saka every now and then, may mga surprise po na lumalabas sa movie, kaya naniniwala po ako na matutuwa po ang ating audience kapag nakapanood sila ng Nelia.”
Ano ang kanyang mabigat na eksena rito na puwedeng mapansin sa awards’ night ng MMFF?
“Ayaw kong maging spoiler, pero may ginawa kaming eksena ni Sir Raymond na ibang-iba talaga at bago ko nagawa ang eksenang iyon, isang deep breath ang aking ginawa. Kaya talagang kailangan nyo po itong panoorin,” bitin na sagot pa ni Ali habang tumatawa.