SHOWBIZ KONEK
ni Maricris V. Nicasio
NAGSANIB-PUWERSA ANG global streaming service na iQiyi at ABS-CBN sa paggawa ng apat na orihinal na romantic series para sa subscribers ng iQiyi sa buong mundo.
Layunin ng dalawang kompanya na maghatid ng de-kalidad na palabas na may magiging inspirasyon at bibida sa husay at kuwento ng mga Filipino sa ibayong dagat. Sa tulong ng galing ng ABS-CBN sa content production at talento ng mga artista nito, mas palalakasin pa ng ugnayang ito ang lumalawak na content ng iQiyi mula sa Japan, South Korea, Greater China, Thailand, Singapore, at Malaysia na available sa 191 teritoryo.
Nanguna sa naganap na pirmahan kahapon, Nobyembre 23 sina ABS-CBN chief operating officer of broacast Cory Vidanes at iQiyi Philippines country manager Sherwin Dela Cruz, kasama sina Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal at iQiyi Philippines marketing supervisor Andrea Reyes.
Ilulunsad sa pamamagitan ng partnership na ito ang Filipino originals na ii-stream ng eksklusibo sa iQiyi app at www.iQ.com. Kabilang sa kanilang mga gagawing serye ang Saying Goodbye na pagbibidahan nina Andrea Brillantes at Seth Fedelin, kasama sina Andi Abaya at Kobie Brown, habang sina Gerald Anderson at Gigi De Lana ang mangunguna sa Hello, Heart.
Ipinasilip na rin sa media conference ang teaser trailer ng Lyric and Beat na darating na sa 2022. Isa itong romantic musical series kasama sina Andrea, Seth, Darren Espanto, at AC Bonifacio.
Magsisimula na sa Disyembre 4, 8:00 p.m.ang Saying Goodbye ng #SethDrea. Gagampanan nila sina Elise at Ricky, na magku-krus ng landas sa isang lumang record store na pag-aagawan nila ang album ng kanilang parehong paboritong artist. Isang matibay na pagkakaibigan ang magbubunga rito na magkasama nilang tutuparin ang mga pangarap ni Ricky, na mayroong sakit sa puso mula pagkabata. Kasama rin nila rito ang bagong loveteam nina Andi at Kobie.
Dapat naman abangan ng K-drama fans ang Hello, Heart, na ipalalabas simula Disyembre 15, 8:00 p.m.. Bida sa romantic comedy na ito sina Gigi at Gerald bilang Heart at Saul. Susundan nito ang istorya ni Heart, isang maganda at masipag na babae na tila walang suwerte sa buhay. Magbabago ang kanyang kapalaran nang makilala ang walang emosyong negosyante na si Saul, na babayaran siya upang magpanggap na nobya niya para sa kaligayahan ng lola niyang may dementia.
Susundan ng Saying Goodbye at Hello, Heart sa iQiyi at www.iQ.com ang mga orihinal na content tulad ng Danger Zone, Ferryman: The Legends of Nanyang, Unforgettable Love, My Roommate is a Gumiho, at Jirisan. Ang mga ito ang pinakabagong serye na available sa iQiyi at www.iQ.com.