SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
FAKE news ang paniwala ng marami na si Manila Mayor Isko Moreno ang producer ng musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story na ipapalabas sa mga sinehan sa December 1. Ang Saranggola Media Productions ang producer na siyang gumawa ng 2019 Metro Manila Film Festival movie na Suarez: The Healing Priest.
Paliwanag ni Joven Tan, direktor ng Yorme, ang tanging partisipasyon ni Isko ay ang pagtitiwala sa Saranggola na gawing pelikula ang kanyang buhay at ang pagna-narrate niya sa pelikula. Ipinaubaya rin ni Isko sa producer kung aling institusyon ang magiging beneficiary ng ibabayad para sa kanyang story rights.
“Kinausap namin siya ni Ms. Edith Fider (producer) na kung puwede ay gawan namin siya ng biopic kasi napaka-inspiring ng kanyang life story ‘di ba? And pumayag naman agad siya. ‘Yun nga lang mayroong kondisyon–dapat ‘yung mga totoong nangyari lang sa buhay niya ang ilalagay namin sa pelikula,” esplika ni Direk Joven.
“Habang binubuo namin ang ‘Yorme’ noon ay hindi namin alam na mahihikayat siyang tumakbo sa pagka-presidente. Wala kaming idea. Matagal ‘yung naging proseso namin bago mabuo itong project, two years din ‘yon, tapos nag-pandemic pa kaya hindi rin agad naipalabas.”
Samantala, bida sa Yorme sina Raikko Mateo (batang Isko), McCoy de Leon (teenager na Isko), at Xian Lim (present generation Isko).
Mayroong 15 original songs ang pelikula na isinulat lahat ni Direk Joven na kilala ring award-winning songwriter.
Kasama rin sa pelikula ang ilang dating miyembro ng That’s Entertainment na sina Tina Pander, Monching Gutierrez, Jestoni Alarcon, Bryle Mondejar, Jojo Abellana, Jennifer Mendoza, Jovit Moya, Manolet Rippol, Jojo Alejar, Lovely Rivero, Keempee de Leon, Ricky Rivero, Karen Timbol, Jeffrey Santos, at Maricar de Mesa.
Si Janno Gibbs ang gaganap na German ‘Kuya Germs’ Moreno na producer at host noon ng youth oriented show na That’s Entertainment na naging daan para makilala si Isko sa showbiz.
Ang Yorme ay ipamamagi ng Viva Films at mapapanood sa mga sinehan sa Dec. 1.