ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MALAKING challenge kay Barbara Miguel bilang aktres ang pelikulang Walker, na gaganap siya bilang mentally challenged na ibinubugaw ng sariling lola sa mga foreigner.
Ang walker ang bagong tawag ngayon sa mga binansagang kalapating mababa ang lipad o prostitute.
Hatid ng New Sunrise Films, ito’y pinamahalaan ni Direk Joel Lamangan at mula sa panulat ni Troy Espiritu. Tampok dito sina Allen Dizon, Rita Avila, Sunshine Dizon, Edgar Allan Guzman, Elora Españo, Dorothy Gilmore, Jim Pebanco, Dave Bornea, Rico Barrera, Alex Agustin, at iba pa.
Thankful si Barbara sa pagiging bahagi ng pelikula.
Lahad niya, “Gusto ko lang pong magpasalamat kay Sir Dennis (Evangelista) and of course kay Direk Joel Lamangan dahil binigyan niya ako ng chance na maging part po ng movie na ito. Excited po ako and sobrang pressured po ako sa role ko.”
Dagdag pa ng 17 anyos na dalagita, “May autism po iyong character ko na si Jonah and bago mag-shooting ay kinakabahan po ako sa mga gagawin kong eksena. Pero dahil nga po kay Direk Joel ito, talagang inisip ko na lang na gagalingan ko po.”
Nabanggit din ni Barbara na masaya siya sa kinalabasan ng pagganap niya rito.
“Happy naman po ako sa outcome ng pagganap ko po sa character na may ASD (Autism Spectrum Disorder) and nagustuhan naman po nila direk… So roon pa lang po ay masayang-masya na ako, hahaha!” Pakli pa niya.
Napapanahon ang tema ng pelikula na hinggil sa prostitusyon. Makikita rito ang isang pamilya ng mga prostitute, pati na ang mga masasamang elemento ng kapulisan na nagpapahirap sa maraming tao.