Friday , November 15 2024

In aid of publications

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SANDAMAKMAK ang kuwento tungkol sa mga hamong hinaharap ng industriya ng print media sa ika-21 siglo. Bago ko pa man nilisan ang pagiging editor ng Tempo siyam na taon na ang nakalipas, isa-isa nang naglalaho ang mga tindahan ng diyaryo sa mga kanto at eskinita.

Salamat na lang sa mga may edad nang tulad ko na mas pinipili pa rin magbuklat-buklat ng mga pahina ng diyaryo at namnamin ang katotohanan ng nababasang balita na beripikado bago inilathala, nariyan pa rin ang “Big 3” dailies at iba pang inililimbag pa rin sa buong bansa. Pero gaano man sila karespetado pagdating sa kani-kanilang mastheads at reputasyon, ang lahat ng diyaryo — lalo sa mga probinsiya — ay matagal nang naghihingalo para manatiling nailalathala. Marami na sa kanila ang nagsara at nakalulungkot na maging ang kanilang mga suking mambabasa ay hindi man lamang ito napansin dahil abala sa kababasa ng balita mula sa kanilang smartphones.

Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay dahil nagsilipatan na sa digital platforms ang mga ads na pangunahing nagpopondo sa produksiyon ng diyaryo. Ngayong taon, napaulat na 55.7 porsiyento ng ad market ay nakopo na ng digital advertising. Para sa mga diyaryo sa Pilipinas, ang bahagi ng kita sa advertising ay dumausdos sa 5.8%.

Noong nakaraang linggo, nagsama-sama sa isang virtual meeting ang mga grupo ng stakeholders sa eleksiyon sa susunod na taon upang talakayin kung gaano kahanda ang mga botante sa pagpili ng mga susunod na pinuno ng bansa. Pangunahing nalinawan sa forum na iyon na ang tamang pagpili ay nanggagaling sa botanteng nakapag-isip nang mabuti – isang botanteng nagpapasya batay sa totoo at maaasahang impormasyon tungkol sa mga kandidato.

Deretsahan kong sasabihin na malinaw itong cue sa mga botante na tutukan ang tradisyonal na media bilang source ng wastong impormasyon. At kung traditional media ang pag-uusapan, ipupusta ko ang lahat, na ang mga diyaryo ang nakatutupad sa pinakamataas na panuntunan sa pamamahayag. Kaya ang diyaryo pa rin ang pinakamapagkakatiwalaang pinanggagalingan ng wasto at beripikadong balita.

Napag-usapan na rin lang ito, naniniwala ang Firing Line na marapat lang na saklolohan ng gobyerno ang industriya ng print media sa paghahagis dito ng life vest – isang ang laki ay sapat para maisalba ang 6,000 manggagawa ng sektor na ito. Matagal nang umaaray ang print publications, na lalo pang lumala ang sitwasyon simula nang magkaroon ng pandemya. Sa kabila nito, handa silang tuparin ang napakahalagang tungkulin na tulungan ang mga Filipino sa pagbubuo ng matalinong pagpili kapag dumagsa na sila sa mga polling stations.

Kaisa ako ng United Print Media Group Philippines (UPMG) sa pananawagan sa Kongreso na gawin ang lahat ng makakaya nito upang maisabatas ang panukalang magkakaloob sa print media industry ng tax relief at suspensiyon ng value-added tax (VAT) sa mga pangunahing raw materials na gamit ng industriya, tulad ng papel at ink.

Saludo kay Pangasinan Rep. Christopher V.P. De Venecia bilang unang mambabatas na sumuporta sa apelang bawasan ng 15% ang corporate income tax rate para sa print industry mula sa 25% itinatakda ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) law. Suportado rin niya ang panukalang tax assistance package, kabilang ang tax holiday at nare-refund na tax credits para sa mga subscribers at advertisers ng print media.

Kakaunti na lang ang panahon ng Kongreso upang maisakatuparan ito, kaya umaasa akong agaran itong aaksiyonan ng ating mga mambabatas.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …