HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI kagaya ng ibang kasal na nagkakagulo dahil sa isang tambak na mga TV camera at crew, at nagkakagulo ring mga photographer, naging matahimik lang ang kasal nina Kris Bernal at Perry Choi noong Sabado ng hapon sa St.Alphonsus Church sa Magallanes Village. Para naman pagbigyan din ang mga fan na makita ang mga pangyayari, inilabas iyon nang live streaming sa internet channel ni Kris.
Solemn ang pasok ni Kris sa simbahang dilaw na dilaw ang gayak dahil puno ng mga malalaking sun flowers. Dilaw nga yata ang color of the day para sa kanila, dahil sa halip na karaniwang putting bridal car ang sinasakyan ng bride, dumating si Kris na sakay din ng isang dilaw na SUV.
Sa saliw ng awiting Ikaw na kinanta ng isang wedding singer na sinaliwan naman ng isang “string ensemble,” naglakad si Kris sa aisle na kasama ang kanyang mga magulang na naghatid sa kanya sa altar ma sinalubong siya ni Perry.
Ang lahat ng mga bisita ay sumunod sa safety protocols na nakasuot ng face shield at face masks, maliban lamang sa paring nagkasal sa kanilang dalawa gayundin sina Kris at Perry.
Mabilis lang natapos ang kasal ng dalawa, at ang medyo nagtagal lang ay ang picture taking kasama ang kanilang mga pamilya at mga kaibigan. Sa picture taking lamang pinayagang saglit na alisin ng mga tao ang kanilang face mask.
Wala nang live streaming pagdating sa kanilang reception, pero ang mahalaga namang makita talaga ng publiko ay ang pagdiriwang ng sakramento ng kasal.
Maganda rin ang love story nina Kris at Perry, na nagsimula bilang business partners. Nagbukas ng isang hamburger specialty restaurant si Kris, at ang chef na gumagawa ng kanilang hamburger patties ay si Perry, na ang pamilya rin ang nagsu-supply ng ginagamit nilang karne. Tapos naging partners ulit sila sa isang Korean restaurant na binuksan din ni Kris.
Naging engage sila last year at nagbalak ngang pakasal sa taong ito pero dalawang beses din silang na-postponed dahil sa safety restrictions na ipinatutupad sa panahon ng lockdown, kaya kahit limitado pa ang kilos, nang medyo magluwag na ang restrictions ay itinuloy na nila ang kasal.