SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SOBRA-SOBRA ang pasasalamat ni Cong. Alfred Vargas sa mga kapwa niya artista na tumutulong sa kanilang proyekto ni Konsi PM Vargas, ang PM: Pusong Matulungin Online Raffle.
Ang pa-raffle na ito ‘yung madalas naming nakikita sa Facebook page ng kongresista ng District 5 sa Quezon City at namangha kami sa rami ng nasisiyahan sa proyektong ito na inumpisahan nila last year pa.
“Sa amin lang ito. Sariling efforts since last year,” pagbabahagi ni Cong Alfred nang makatsikahan namin ito. “Noong umpisa pa lang ng pandemic at unang ECQ pa lang. Super suwerte kami sa partners. We learned na marami talagang gustong tumulong sa kapwa. Nakagagaan ng loob. Padami nang padami ‘yung partners every week. Bale may 62 weeks na namin itong ginagawa every week! since last year pa!” masayang pagbabahagi ni Alfred.
Ani Alfred, proyekto nila ng kapatid niyang si Konsi PM ang pa-raffle na mula sa kanilang sariling pocket. “Then the following week may dumagdag na sponsors naging five. Ngayon we have around 60 sponsors na! They give what they can. No pressure. Welcome lahat ng tulong.”
At karamihan sa tinutukoy na sponsors ni Alfred ay nagmula sa entertainment industry o kapwa niya mga artista rin.
Ayaw mang magpabanggit ng mga artista ay napilit naming ang kongresista na sabihin kung sino-sino ang mga nagpahatid ng tulong para naman malaman din ng kanyang mga constituent.
“Ang mga artista na nag-donate ay sina Ms Ai-ai delas Alas, Rocco and Melissa Nacino, Dingdong Dantes, Marvin Agustin, Diana Zubiri, Glaiza de Castro, Carmina Villaroel, Shaina Magdayao, Carlene Aguilar, Direk Mac Alejandre, Lara Quigaman, Dimples Romana, Rodjun Cruz, Dianne Medina, Patricia Tumulak, Solenn Heusaff, and many others.
“Actually, sila ang mga unang tumulong sa amin last year noong umpisa. Sobrang naa-appreciate namin ‘yun. Suwerte tayo dahil may mga artistang matulungin at ayaw pa nilang ipabanggit mga pangalan nila,” sambit pa ni Alfred.
Sa pagbabahagi pa ni Alfred, ang kanyang kapatid na si PM ang talagang may idea ng pamimigay ng raffle. “Exactly 62 Saturdays ago. Si PM ‘yung nakaisip. He thought of a way na makatulong at makapagbigay saya sa tao by using social media. We started na raffle, 10 grocery bags lang, then 1 tablet, then 1 mountainbike only.
Ngayon almost 200 na ang raffle items weekly. Minsan umaabot pa ng 350 per week. Estimate, we have given prizes and help 12,000 to 15,000 beneficiaries already since last year. ‘Yung major prizes, kami ni PM usually and nagde-deliver sa mga winner,” ani Alfred.
Bukod sa mga artista, marami ring mga fellow public servants, private citizens, NGOs, foundations, at iba’t ibang grupo ang nag-aabot ng tulong sa kanil. “Pati mga classmate ko noong high school at college tumulong din. Nakatutuwa kasi this is the spirit of bayanihan in practice,” dagdag pa ng actor/producer.
Sa kabilang banda, pinuri naman ni Alfred ang vaccine program ng Quezon City na pinamumunuan ni Mayor Joy Belmonte. “Kahit mataas pa rin ang bilang ng Covid cases sa buong Metro Manila, compared to the ratio of the surge before, mas kakaunti na ang infected na napupunta sa ICU. It means that vaccines really work. Marami na kasing nabakunahan dito. The vaccine program of the Quezon City is really efficient! Thanks to Mayor Joy Belmonte,” sambit pa ni Alfred.
At bagamat abala sa kanyang distrito hindi pa rin niya maiiwan ni Alfred ang showbiz. Sa Linggo, Sept 26 silang dalawa ni Sanya Lopez ang magho-host sa 36th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club.
“I’m honored and flattered na mapiling mag-host ng Star Awards. Institution na ang PMPC through th years at isang malaking karangalan ang i-host ito with none other than Ms. Sanya Lopez. Naalala ko tuloy ang Encantadia 1 and 1,” saad pa ni Vargas.