INAMIN ni K Brosas na galit na galit siya noong una sa contractor ng kanyang ipinagagawang bahay sa Quezon City na nagkakahalaga ng P7-M.
“Sa totoo lang hindi na galit ang nararamdaman ko ngayon. Inaamin ko dati, galit na galit ako. Pero ngayon mas kalmado na ako, ‘yung awa sa sarili mas more pero dine-deadma ko na dahil mabuti na lang maraming trabaho, maraming blessings. At ngayon mas more on tapang, kailangan ng tapang,” ani K nang makausap namin ito sa pamamagitan ng virtual media conference.
Bago ito, kinasuhan na ni K noong Biyernes ang kanyang contractor dahil hindi natapos ang ipinagagawang Bahay.
Aniya, 2018 pa sinimulang ipagagawa ang kanyang bahay at naibigay na niya ng cash ang P7-M para tuloy-tuloy at mabilis na matapos ang bahay. Pero gayun na lamang ang kanyang panlulumo nang makita niyang hindi pa tapos ang ipinagagawang bahay.
“One year ang kontrata namin at buo kong binayaran ng cash. Dapat tapos na siya. Simple lang naman ang bahay- three story. Pinag-ipunan koi yon talaga dahil ayoko ng loan o ‘yung mga 50 years to pay. Gusto ko ‘yung wala na akong iisipin pa,” sambit ni K.
“’Yung mga kinuha ko para gawin ang bahay, kaibigan, hindi ito basta kumuha ako ng kung saan-saan lang. Tapos for the past three years, nagka-pandemic pero noong nagging okey na ang mga restriction, wala na, wala na talagang nangyari. Talagang pinabayaan siya at talagang inabandona, ‘yun talaga ang eksena,” pagbabahagi pa ni K.
“Sabi niyong kinuha kong bagong contractor, wala pang 35 percent ang nagawa (ng unang contractor) tapos hindi pa maganda ‘yung mga materyales na ginamit,” esplika ni K na nakatengga ngayon ang kanyang bahay at nag-iipon muli para maipagpatuloy at mapatapos ito.
Natanong ang singer/aktres kung handa ba niyang patawarin ang naturang contractor na rekomendado ng kanyang kaibigan at itinuring na rin niyang kapamilya.
“Madaling magpatawad at nagpapatawad ako. Pero mahirap magpatawad kung milyon-milyon ang pinag-uusapan eh. Ibalik muna siguro niya ang pera,” tugon ni K.
“Hindi na nga tungkol lang ito sa bahay, nanganak na ng nanganak. Hindi ko lang pwede ikuwento pa eh,” susog pa ni K.
Sa pagbabahagi pa ng sakit na naramdaman ni K ukol sa bahay na hindi naitayo. ”Nasira po ang pangarap ko. Naiiyak ako ano ba ‘yan! Napakasimple lang niyong bahay. Walang swimming pool, para sa amin lang ng anak ko iyon. Ang pinaghandaan ko lang doon ay iyong walking closet. Mala-spa na banyo. ‘Yun lang,” naiiyak na kuwento ni K.
Naikuwento pa ni K na bumalik ang kanyang anxiety dahil sa nangyari. “Tapos puro pangako, so ‘yung anxiety, ‘yung disorder ko. Tapos siyempre nagging kaibigan mon a kaya mas masakit. Tapos kapag tinatanong ako ng mga kaibigan ko, ‘tapos na baa ng bahay mo? Ano ba ‘yan?’ Tulad ni Darla na lagi akong tinatanong sa bahay, sinasabi niya, ‘uy pa houseraid mo na.’ Wala akong masagot.”
Sinabi pa ni K na ang bahay na ipinatatayo niya sana ang ipamamana niya sa kanyang nag-iisang anak.
“Ito na rin sana ang ipapamana ko sa anak ko, bukod sa shoes at bags, ‘di ba. Masakit kasi ang tagal kong nakiusap. Ang tagal kong nagmakaawa, pero wala, walang nangyari. Kailangan na talagang umabot sa ganito (demanda). Kasi parang wala nang respeto,” pagbabahagi pa ni K.
Pagbabahagi pa ni K, ayaw na niyang magbayad ng mahal na renta sa isang townhouse o condominium unit kaya talagang pinag-ipunan niya ang pagpapagawa ng bahay.
“Isipin n’yo nga naman, sa ilang taong pag-aartista ko, ngayon pa lang ako nagpapagawa ng sariling bahay,” sabi pa ni K.
“Maiintidihan n’yo naman siguro ako na pinaghirapan ko ‘yung pera na galing sa dugo, pawis, at kakulangan ng tulog. Wala eh, kailangan nating mangarap.”
Sinabi pa ni K na may mga oras na bigla na lang siyang inaatake ng kanyang anxiety dahil sa nangyari.
“Masaya ako lagi sa trabaho ko pero lingid sa kaalaman ng iba ‘pag hindi nakaharap sa camera, grabe ang bigat at depression ko dahil sa pangarap kong bahay na para rin sa anak ko,” saad pa ni K na kasalukuyang napapanood sa Sing Galing ng TV5 na isa siya sa hosts at may pelikula rin siyang malapit nang ipalabas, ang Will You Marry with Elisse Joson na kinunan pa sa Denmark.
Sa kabilang banda, sobra-sobra naman ang pasasalamat niya sa kanyang management, ang Cornerstone Entertainment na hindi siya pinabayaan at lagi siyang binibigyan ng trabaho.
(Maricris Valdez)