PROMDI
ni Fernan Angeles
ISANG abogado si Rodrigo. Katunayan, dati siyang tagausig sa isang lungsod kung saan sa mahabang panahon siya ang hari dito.
Sa mga panahong ito siya’y nakailag sa mga asunto, mahusay kasi sa pagpapaikot. Kabi-kabilang patayan, sa kanya’y no problemo. Kabi-kabilang milagro, tinatawanan lang nito.
Nang siya’y maluklok sa puwesto bilang pangulo, parang walang nagbago. Hari pa rin ang kanyang estilo. Asta ni Rodrigo, dapat masunod anumang sabihin dito.
Siyang tunay! Katunatayan walang patutsadang umubra rito. Maging ang dikit-dikit na bulilyaso, deadma lang ang pangulo.
Sa mga itinalagang tuta sa gobyerno: “Sige lang,” ani Rodrigo, “Pakabusog kayo dahil ‘yan naman ang pangako ko.”
Pasensya na kung tunog makata ako. Ito marahil ang epekto kapag bayan ay aburido.
Sino ba naman ang ‘di mayayamot sa walang puknat na milagro. Sa harap ng Pangulo at ng publiko – nakaw dito, nakaw doon. Pati gobyerno, pinagmukhang sindikato.
Sa pasabog ng COA, mga alaga’y nabisto. O e ano, sagot ng butanding sa Palasyo. Aniya, “Panahon namin ito!” Isang direktang pag-amin sa nakawan sa gobyerno.
Dugtong ng butanding sa kritiko, hintayin ninyong kayo’y maging pangulo nang sa gayon, kayo naman ang maimpatso.
Sa bantang asunto pagbaba sa pwesto, hindi problema para kay Rodrigo. May immunity hangga’t siya’y nasa pwesto. Kaya naman diskarte ni lolo, tatakbo na lang bilang pangalawang pangulo.
Oo nga naman, ‘yan ang bulong ko. Wais talaga si Attorney Rodrigo. Pagpapaikot sa batas, kanyang kabisado.
***
Sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya, higit na kailangan ang pagkakaisa. Ang politika, dapat taympers muna. Pero sa bayan ng Mariveles sa lalawigan ng Bataan, iba ang kalarakaran. Pag hindi kaalyado, pati tulong tablado.
Sa pagdulog ng mga residente ng Barangay Camaya sa Mariveles, Bataan, kay Kapitan sila’y nananawagan. Anila, di na nga sila kinakalinga, pati tulong ng iba, sinasabotahe pa. Ang politika nga naman sa Camaya, sadyang marumi talaga, anila.
Sa isang liham, partikular na tinukoy ang isang Kapitan Amado Dimapiles. Anila, inuuna pa ang politika kaysa makipagkaisa sa mga tanggapan at organisasyong puwede naman magdulot ng tulong sa kanila.
Kuwento ng mga residente, may mga dumating na kawani ang Mariveles LGU sa kanilang barangay para magdala ng ayuda. Pero si Kap, nagtago muna. Pati mga kagawad binilinan pa raw niya. Ani Kap kina Konsi, huwag samahan ang mga tao ng munisipyo. Bahala na raw silang maghanap ng mga taong nakatalang benipisaryo.
Sa pagtatanong ko sa mga kapwa peryodista mula sa nasabing bayan, lumalabas na iba pala ang suportado ni Dimapiles sa darating na halalan. Hindi ang nakaupong alkadeng si Jo Castañeda, kundi ang tinalo nitong dating mayor na si Ace Concepcion.
Kaya naman pala, dambuhalang tarpaulin ng mukha ni Concepcion ang nakabalandra sa bulwagan ng Camaya.
Susmaryosep naman Kap Amado, kung may problema ka sa alkalde ‘wag mong idamay iyong mga residente. Okay lang naman mamolitika pero sa ngayon taympers muna.
Sa isang banda, puwede rin naman – ‘yan ay kung iyong tutumbasan ang ayudang ipinagkait sa mga nangangailangan.
E kaso, puro ka lang dada. Balita ko pa, pati bigas na galing sa kapitolyo, ini-repack ipinalabas na galing sa iyo.