Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Sugal sagot sa pandemya

PROMDI
ni Fernan Angeles

TUNAY na katangi-tangi ang administrasyong Duterte pagdating sa diskarte kung paano gagawa ng pera sa gitna ng pandemya.

Sino ba naman kasi ang hindi mamamangha sa tinuran ng Pangulong Rodrigo Duterte. Mantakin mo, ang solusyon niya sa kakapusan ng pananalapi sa bansa ay pahintulutan ang sugal at iba pang mapaminsalang industriya tulad ng pagmimina.

Ayon sa Pangulo, malaking halaga ang kailangan ng bansa para tugunan ang pangangailangan ng bansa sa gitna ng patuloy na pandemya. Okey lang naman talagang gumawa ng paraan ang administrasyon pagdating sa panustos ng kinakaharap na national health emergency.

Ang siste, hindi na niya kontrolado ang kanyang mga alagang tila walang sawa sa pangungulimbat at pagsasayang ng limitadong kapasidad ng gobyerno.

Kung ang hanap ng Pangulo ay pera, bakit hindi niya muna umpisahan sa pagsibak sa kanyang matatakaw na alipores. Sa bawat isang tiwali, malaki ang maisusubi.

Pangalawang suhestiyon, puwersahang singilin ang mga may pagkakautang sa buwis, total sanay naman sila sa puwersahan. Hindi lingid sa kaalaman ng Pangulo na malaki pa ang dapat makolekta ng pamahalaan sa mga tulad nina Lucio Tan at iba pang mga oligarko sa kanya mismong bakuran.

Ikatlo, ipasu­basta ang mga non-performing assets ng bansa. Lubhang malaki ang gastos ng gobyerno sa maintenance nito. Kabilang dito ang infinity pool na ginastusan nang husto ng Department of Transportation na pinamumunuan ng kanyang kaibigan si Secretary Art Tugade.

Kung gusto, maraming paraan. Pero kung ayaw, puro dahilan.

‘Yan din mismo marahil ang nasa isip ng Pangulo nang banggitin niya sa kanyang national address ang pagpapahintulot ng sugalan sa Boracay nang sa gayon ay makalikom ng sapat na pondo ang gobyerno sa layong tugunan ang gastusin kaugnay ng pandemya.

Ang siste, gaano nga ba kalaki ang kikitain ng pasugal sa Boracay? Ang sigurado, ga-tuldok lang sa kabuuang halagang katumbas ng 2022 proposed national budget.

Kaya naman ang hirit ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang online talpakan ng kilalang gambling lord na si Atong Ang.

Ayon kay PAGCOR chair Andrea Domingo, ‘di hamak na mas malaki ang ipinapasok na buwis ng online sabong (o higit na kilala bilang e-sabong) ng kilalang gaming promoter na si Ang, kaysa natatanggap ng gobyerno mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Aniya, nakapagsampa na raw ng P3.5-B ang e-sabong ni Ang mula nang magsimula ang operasyon  nito noong Mayo at patuloy pang lalaki ang papasok na pera dahil aniya sa inaasahang P350-M kada buwan mula sa kita ng pasugal ni Ang.

At para raw makatulong pa, plano niyang dagdagan ang bilang ng mga online sabong operators!

Susmaryosep! Wala na ngang makain ang mga tao, saan pa ba sila kukuha ng pantaya sa lintek na online sabong na ‘yan?

Tila nais ng administrasyon na lalo pang malugmok ang bansa sakaling magumon naman sa bisyo ang mga tao. Naalala ko tuloy ang sambit sa akin ng isang nakatatanda – kung galit ka sa tao, turuan mong magsugal.

Ang tanong ko sa Pangulo – Galit po ba kayo sa mga Filipino?

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *