SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MALAKAS ang dating ng bagong kanta ni Ely Buendia, ang Metro. Ukol kasi ito sa pagpili ng susunod na lider ng bansa sa 2022.
Kaya hindi kataka-taka kung pinag-uusapan ito at maingay. Malapit na kasi ang election kaya naman swak ang kantang Metro.
Unang ginamit ang kanta sa We Need A Leader, 2022, isang movement na nananawagan para sa mahusay na pagpili ng susunod na lider ng bansa sa 2022 elections.
Matapang ang mensahe ng kanta ni Ely. Tulad ng, ”Mga abuso sa kapangyarihan/At maling pamamalakad/Ang sagabal sa kaunlaran.” Mayroon pang, “Kapatid ‘di pa ba nagsasawa?/Tumatakbo ang metro/Isa lang ang iyong pagpipilian/Pangulo ba o pang gulo?”
Sa awitin ay may panawagan si Ely, ”Panahon na upang imulat ang mata sa katotohanan/Pandemya at kawalan ng kabuhayan/Asan na ang nawawalang lupa’t pera/Bagsak ang ekonomiya/Di ka ba nagtataka?/Pinunong may talino, puso at tapang/Ito ang kailangan ng ating bayan.”
Nitong Agosto ay muling lumabas ang video ng kanta ni Ely. Pero makikita na ang pangalan at larawan ni Senador Ping Lacson na tatakbong pangulo sa 2022 at suportado siya ng We Need A Leader 2022 movement.
Patunay ng pagsuportang ito na si Ping ang may taglay na talino, tapang, lakas ng loob, paninindigan, at malasakit ng isang tunay na lider na kailangan ng bayan sa 2022. Na siyang sinasabi sa kantang Metro.