KUMAKALAT ang isang modus operandi na binibiktima ang mga gumagamit ng cellphone. Tawag dito ay ‘SIM swap scam.’
Ang ‘SIM swap’ ang huling hakbang ng mga scammer para ma-takeover ang bank account o credit card ng gusto nilang pagnakawan.
Paano nila ito nagagawa? Ang totoo, matagal munang binabantayan ng mga scammer ang taong gusto nilang biktimahin. Naghahanap sila ng impormasyon gaya ng bank account number, email address, ID, mobile number at iba pa na karaniwan ay makikita sa mga social media post.
Kaya kung akala mo na safe lang i-share sa FB, IG, Twitter, etc. ang address at birthday mo, bill sa koryente, pangalan ng aso mo, ang paborito mong pelikula, o picture ng credit card, school o company ID, at passport, baka ito pa ang magpahamak sa iyo.
Mag-ingat din sa mga phishing email o text na ginagaya ang itsura o tono ng mga mensahe na galing sa mga kompanyang kilala o pinagkakatiwalaan ng karamihan. Kadalasan, mayroon itong ipaki-click na link o hihingin na sensitibong impormasyon gaya ng password, PIN, government ID number, at account number. ‘Pag sinunod mo ito, makukuha nila ang mga data mo.
May mga scammer din na magkukunwang empleyado ng isang telco o banko na manghihingi ng personal na impormasyon at detalye ng mga bank account kapalit kunwari ng regalo.
‘Wag din basta magtatapon ng bank statements, bills ng koryente, tubig, at telepono, at mga package/s at dokumento na may personal na impormasyon dahil maaari rin itong maging source ng identity theft.
Mula sa mga impormasyong makukuha ng scammer, puwedeng masagot nila ang security question sa mga online account mo o kaya malaman ang personal identification number (PIN) o password na madalas mong gamitin. ‘Pag nangyari ito, gagawa naman sila ng paraan para ma-takeover ang SIM card na nakarehistro para sa ipinadadalang One-Time PIN (OTP) ng mga online accounts.
Kung sa tingin mo, biktima ka ng SIM swap, eto ang maaari mong gawin:
● Palitan agad ang password/PIN ng iyong bank at digital accounts
● Sabihan agad ang banko tungkol sa insidente
● Palitan ang password at gawin itong kakaiba at mahirap hulaan
Kung Postpaid user ka, gamitin ang GlobeOne app o tumawag sa 211 para pansamantalang maputol ang cell phone line mo. PUwede rin pumunta ang Postpaid at Prepaid customers sa pinakamalapit na Globe Store para mapalitan ang SIM at mabawi ang ninakaw na mobile number.
Sa ngayon, mayroon din mas mahigpit na paraan na ginagawa ang Globe para maiwasan ang unauthorized na pagpapalit ng SIM. Kailangang maghintay ng 24 oras bago ma-reactivate ang bagong SIM para magawa pa ang mas matinding verification.
Kailangan na rin ang notarized affidavit of loss kapag nag-request ng kapalit sa nawalang SIM tulad ng requirements sa bangko ‘pag nawala ang iyong debit card or passbook.