PROMDI
ni Fernan Angeles
MINSAN pa’y masusukat ang paninindigan ng kapatirang Iglesia Ni Cristo (INC) sa gitna ng mga bulilyasong dala ng isang yayamaning tagapanalig na kumakaladkad sa kanilang hanay para sa pansariling interes.
Sa harap ng napipintong pagkastigo ng Department of Education sa katampalasan ng isang private contractor, parang batang iyaking nagsumbong sa kanilang ‘apatiran’ ang negosyanteng JC Palaboy na para bang siya pa ang agrabyado matapos pakinabangan nang husto ang nasabing ahensiya sa loob ng mahabang panahon.
Ito ay bunsod ng isinasagawang proseso ng DepEd kaugnay ng bulilyasong kinasangkutan nang tangkaing lansihin ang gobyerno para maibuslo ang P1.1-bilyong kontrata para sa paglilimbag ng learning modules na gagamitin ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ngayon school-year 2021-2022.
Sa kuwento ng ating impormante, personal pang tumungo ang palaboy sa punong tanggapan ng kanilang ahensiya para idulog ang napipintong pagkaka-blacklist ng kanyang kompanya sa kagawarang pinamumunuan ni Secretary Leonor Magtolis Briones.
Batay sa paunang resulta ng pagsisiyasat ng kagawaran, lumalabas na ang kompanya ng JC Palaboy mula sa Lungsod ng Marikina ay nagsumite sa nasabing ahensiya ng mga dinoktor na dokumento upang palabasing kalipikado para lumahok sa government bidding. Ang siste, may isang pumiyok hinggil sa diskarteng pilipit ng sigang kontratista.
Hindi naman puwedeng tawaran ang testimonya ng ating ‘whistleblower’ lalo pa’t siya mismo ang kinasangkapan ng nasabing kontratista para palusutin ang dispalinghadong dokumento na karaniwang ginagawa lamang sa Recto Avenue sa Maynila noong mga nakalipas na panahon.
Marahil sa sobrang excitement, nakalimutan niyang may nauna na pala siyang isinumiteng dokumento bago pa man isinagawa ang bidding para sa P1.1-billion contract.
Nakasaad sa Net Financial Contracting Capacity na nasa pag-iingat ng departamento na puwede lang siyang lumahok sa bidding para sa mga proyektong nagkakahalaga ng P100 milyon pababa – at hindi sa isang kontratang 11 ulit na mas mataas tulad nitong nais niyang kornerin sa kagawaran ni Briones.
Bukod doon, lumalabas na matagal na panahon na pala niyang nilalansi ang DepEd gamit ang kompanyang rehistradong “gift shop.”
Akalain mo nga naman… sa tagal ng panahong niloloko niya ang gobyerno, siya pa ang may ganang magsumbong sa ‘kapatiran’ na may punong tanggapan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Sa ganang akin, naniniwala akong tunay na maimpluwensiya ang ‘kapatiran’ pero dapat nitong mapagtanto na may mga sumbong na puwede nilang tugunan lalo pa’t pawang katotohanan ang idinudulog sa kanila ng isang tagapanalig. Pero sa kaso ng sigang si Palaboy, isang kalokohan na konsintihin nito ang katalampalasang ginawa sa pamahalaan – at maging sa 109 milyong masugid na taxpayers.
Panawagan ko kay Ka Eddie, sampolan niya ang mga ungas na tulad ni Palaboy na ang diskarte ay panlalamang gamit ang pangalan ng ‘kapatiran.’ Ang mga tulad ni Palaboy, dapat nang itiwalag sa kanilang hanay.