SINAMPAHAN ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman si Iriga City Mayor Madelaine Y. Alfelor-Gazmen sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) dahil sa ilegal na pamamahagi ng ayuda sa Social Amelioration Program (SAP) sa mga di-kalipikadong benepisaryo.
Kabilang sa mga iregularidad sa pamamahagi ng SAP grants ni Alfelor, ang pagbibigay niya ng tig P5,000 cash SAP grants sa mga empleyado ng University of Northeastern Philippines (UNEP), sinabing pag-aari ng kanyang pamilya.
Gayondin ang pamamahagi ng cash grants ni Alfelor sa mga kaibigan at kamag-anak na napatunayang, mga may kaya at hindi mga kapos-palad na nararapat makatanggap ng ayuda dahil sa matinding dagok sa kanilang kabuhayan ng pandemya.
Sa pagdinig noong nakalipas na taon ng House committee on good government, inamin mismo nina Dory Carag, Criste Olaso Reynes, at Deocyl Monte Maninang na mismong si Mayor Alfelor ang nagbigay sa kanila ng SAP grant, at sinabihan ang isa sa kanila na isekreto ang pag-abot sa kanila ni mayor ng ayuda.
Sa nasabing pagdinig, napag-alaman din na sina Marcela Alfelor, Irenea Badiola, at Juanita Esplana ay nakatanggap din ng SAP ayuda na tig-P5000 gayong hindi naman sila nakatira sa Iriga City.
Si Sta. Elena Punong Barangay Rodolfo Pungtan naman ay sumulat mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte para ireklamo ang pagtanggal ni Alfelor ng mga barangay officials sa listahan ng mga mamahagi ng Social Amelioration Cards (SACs) dahil katunggali sila ng alkalde sa politika. Kailangan ang SACs para makakuha ng SAP ayuda.
Ang kasong ito ng PNP-CIDG sa ayuda scam ay isa sa mga patong-patong na kasong isinampa laban kay Alfelor at iba pa niyang kasamahan.
Sa kabuuan ay may 16 kasong administratibo, criminal, at sibil si Alfelor na nakasampa ngayon sa Ombudsman at Regional Trial Court (RTC) – Iriga.
Sa kabila ng kasong ito at 15 reklamong kriminal at administratibo na kinakaharap ni Alfelor, nagtataka ang mga taga-Camarines Sur kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nasususpende ang alkalde, lalo pa nga’t mismong ang Pangulong Duterte na ang nagpahayag na ayaw niya ng kahit anong klaseng kuropsiyon sa pamamahagi ng SAP.
Sinabi ni Pangulong Duterte na nararapat suspendehin ang mga opisyal na masasangkot sa ayuda scam habang iniimbestigahan ang mga kaso laban sa kanila.
Bukod sa reklamo ng PNP-CIDG, may administrative complaint rin laban kay Alfelor kaugnay ng pag-utang nito ng P275 milyon sa Land Bank of the Philippines (Landbank) para magpagawa ng isang magarbong amusement park sa panahon ng pandemya gayong wala namang makikinabang dito dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pamamasyal dahil sa CoVid-19.
Si Alfelor ay nahaharap din sa magkahiwalay na kasong malversation at graft dahil sa unliquidated cash advances na P32.84 milyon at P27.89 milyon; sa pagbili ng seedlings na nagkakahalaga ng P13.51 milyon na hindi dumaan sa public bidding, at sa mga undocumented procurement transactions na umabot sa P17.25 milyon.
Dagdag sa mga kaso ni Alfelor, ang malversation at graft case na isinampa sa kaniya dahil sa pagbibigay ng scholarship fund sa halagang P2.78 milyon para lamang sa nag-iisang benipisaryo; ang P14.19 milyong unsupported/undocumented cash advances na napunta sa mga contractor; at pagpirma sa isang memorandum of agreement (MOA).
Isinangkalan umano ng alkalde ang pamahalaang lungsod ng Iriga para magbayad ng P800,000 participation fee, at P50,000 bond sa isang national basketball league na walang pahintulot ng Sangguniang Panglungsod.
Nabisto rin ang hindi niya pagbibigay ng karampatang bahagi ng barangay San Antonio at barangay La Medalla sa real property tax collection ng lungsod at pag-a-appoint sa mga di-kalipikadong empleyado ng pamahalaang panglungsod kaya’t lalo pang nadagdagan ang mga patong-patong niyang kaso sa Ombudsman.
(HATAW News Team)