ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
KINAPANAYAM namin ang former sexy actress na si Pamela Ortiz tungkol sa pelikulang Balangiga 1901. Bahagi ng naturang pelikula si Pamela at inusisa namin kung masama ba ang loob niya or may tampo siya sa naturang pelikula.
Sa isang panayam kasi ay naging very vocal ang aktres sa pagsasabing hindi niya alam kung dapat niyang ipagmalaki ang pagkakasali niya sa naturang pelikula.
Esplika ni Pamela, “Wala naman po akong tampo, pero nagtaka lang kami kung bakit hindi kami binigyan ng magandang role sa movie. Plus, ang usapan ay ten or more days ang shooting, pero hindi natupad ang usapan. Sobrang tagal ang naging paghihintay namin para roon.”
Tampok sa pelikula sina Ejay Falcon, Jason Abalos, Richard Quan, Jao Mapa, Mark Neumann, Lala Vinzon, Emilio Garcia, Ricardo Cepeda, Ramon Christopher, Jeffrey Santos, Rob Sy, at iba pa, sa panulat at direksiyon ni Danny Marquez.
Ano ang role niya sa pelikula? “Principalia po, kasama kami sa grupo nina Ejay Falcon po,” wika ng aktres.
Ang isa sa ikinaimbiyerna marahil ni Pamela ay dahil hindi maganda ang role niya sa pelikulang ito. Na kahit isang kapiranggot na dialogue ay wala man lang daw siya.
Pakli ng aktres, “Wala po silang ibinigay na dialogue sa amin.”
Paglilinaw pa ni Pamela, “Maganda po iyong movie, proud po ako na nakasama ako sa Balangiga… pero paano ko po ipagmamalaki kung wala man lang challenge iyong role ko po?”
Pati raw ang ilang nasa casts tulad nina Sabrina M. at Dan Alvaro ay wala ring dialogue sa nasabing pelikula.
Aniya pa, “Wala rin pong dialogue si Sabrina, at pati si kuya Dan Alvaro po.”
Si Pamela ay nagsimula sa showbiz noong 1999. Ang itinuturing niyang biggest break ay ang pelikulang Ang Gusto ko sa Lalaki under Starlight Films.
Sa ngayon, bukod sa pagiging aktres ay sumabak na rin sa pagiging direktor si Pamela. Dalawa na ang naidirek niya, Ang Pangarap ng Isang Ina at ang short film na pinamagatang Tagsibol.