SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SINUSUNDAN talaga ng netizens ang mga panooring gawa ng Kapamilya Network. Patunay ang matataas na ratings na nakukuha nito kahit nasa TV5 pa sila.
Mataas na Primetime Ratings ang dala ng pagsasanib ng TV5 at ABS-CBN. Sa mga nakalipas na buwan, maraming pagbabago ang naranasan ng mga manonood pagdating sa kanilang mga programang napapanood sa telebisyon. Isa na rito ang pagsasama ng Cignal TV at ng ABS-CBN para sa paglalagay ng ilang programa ng inyong Kapamilya Channel sa TV5 para mapanood sa lahat ng bahagi ng Pilipinas.
Isa sa magandang naidudulot ng pagsasanib ng dalawang nasabing brodkaster ay madali nang masundan ng mga manonood ngayon ang No. 1 teleserye ng ABS-CBN, ang FPJ’s Ang Probinsyano at ilan pa nilang paboritong programa katulad ng Huwag Kang Mangamba, Init Sa Magdamag, at ang La Vida Lena.
Mula ng magsimula sa TV5 ang mga nasabing palabas ng ABS-CBN, tumaas ang pangkalahatang rating ng estasyon at malaking pagbabago ang naitala nito hindi lang sa Mega Manila kundi pati na rin sa ilang panig ng Timog Katagalugan.
“Isang malaking pasasalamat ang hatid namin para sa Cignal TV at ABS-CBN,” ani ni Media5 Chief Operating Officer, Dino M. Laurena.
“Alam nating ito ang gusto ng ating mga masugid na manonood kaya naman napakaganda ng naging resulta sa pagsasama-sama ng mga programa ng dalawang kinikilalang brodkaster ng ating bansa and ABS-CBN at ang TV5,” sambit pa ni Laurena.