SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TIYAK na star studded ang senatorial slate nina Sen. Ping Lacson at Sen. Tito Sotto sa 2022 election.
Pagkatapos kasing mabalitang kasama sina Vilma Santos at Kris Aquino sa magiging katiket nila, lumabas din ang pangalan ni Congw. Lucy Torres-Gomez.
Ayon sa balita, may nakareserba nang slot para kina Ate Vi, Lucy, at Kris sakaling makumbinse ang tatlo na tumakbo sa pagkasenador bagamat hindi pa rin kinukompirma ni Sen. Ping kung tatakbo nga siya sa pampanguluhan sa darating na eleksiyon.
Ang latest, nakitang magkasama sa simbahan ang dalawa kaya natanong sila kung humihingi ba sila ng gabay o basbas sa simbahan kung tatakbo nga silang magka-tiket.
Sagot ng dalawa, sa Agosto 5 malalaman ang kanilang desisyon.
Samantala, nagbigay ng face mask si Sen. Ping sa Taal victims.
Katulad ng nakagawian, tahimik na gumalaw ang tanggapan ni Sen. Ping para matulungan ang mga residenteng apektado ng pagsasaboy ng amoy asupre na abo ng Bulkang Taal.
Nagpaabot ang mambabatas ng de-kalidad na KN95 face masks na ayon sa mga ulat ay pangunahing kailangan ng mga apektado ng Taal.
Ang pagtulong ni Lacson ay namonitor at napost ng isang Sue Porter na miyembro ng Bantay Trapiko sa Batangas page sa Facebook.
Anang isang netizen,”Maraming maraming salamat po kay Senator Ping Lacson na hindi man naglalagay ng pangalan o nagpapakita ng mukha sa pagtulong ay hindi nakakalimot.”
“Libong N-95 masks po ang pinadala niya dito sa Laurel, Agoncillo, San Nicolas at iba pang bayan na malapit sa bulkan. Napakalaking bagay po nito at may mga nagkakasakit na rin na matatanda gawa ng usok na binubuga ng Taal. Mahirap na po makabili ng ganito ngayon at mahal din. Malaking tulong po. Salamat!” sabi pa ng isa.
Bukod dito, ilang beses nang nalagay sa social media ang tahimik na pagtulong ng mambabatas sa iba pang nangangailangan gaya ng relief operations sa Cagayan noong halos lunurin ang lalawigan sa baha at maging sa Catanduanes na mistulang kinalbo ng nagdaang bagyo.