DAAN-DAANG out-of-school youth at mga nawalan ng trabaho sa Tagbilaran City, Bohol ang pinadalhan ng tulong ni Senator Christopher “Bong” Go nitong 2 Hulyo bilang bahagi ng kaniyang pagtulong na makabangon ang iba’t ibang sektor mula sa epektong dulot ng pandemya sa kanilang kabuhayan.
Ang mga staff ni Go ang nangasiwa ng pamamahagi sa Brgy. Dao Gym na igrinupo sa mas maliit na bilang ang 194 benepisaryo bilang pagsunod sa ipinaiiral na safety at health protocols. Mga pagkain, masks, face shields at vitamins ang ipinamahagi sa mga benepisaryo.
Ilan sa mga benepisaryo ay nabigyan ng bagong pares ng sapatos at bisikleta para sa ilan. Namahagi rin ng computer tablets sa ilang mga kabataan o sa mga anak ng mga benepisaryo para sa pag-aaral.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagkaloob ng financial assistance at ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay umayuda sa pamamagitan ng tulong panghanapbuhay sa disadvantaged/displaced workers program.
Nagsagawa ng assessment ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mapagkakalooban ng mga pangkabuhayan at skills training programs.
Sa video message ni Go, ipinunto niya ang kahalagahan ng pagpapabakuna kasunod ang paghikayat na lumahok ang mga Filipino sa vaccination program.
“Importante po ang target natin, makamit natin ang herd immunity ngayong taong ito. Iyan po ang kailangan para unti-unti na tayong makabalik sa normal na pamumuhay at sumigla muli ang ating ekonomiya,” pahayag ni Go.
Sa panayam sa isang TUPAD beneficiary na si Efren Bustamante, handa na umano siyang magpabakuna kapag siya ay may iskedyul na at naikuwento rin ang hirap na kanilang dinaranas ngayong pandemya.
“Hirap, wala ng ibang pagkakakitaan kundi dagat na lang. Dati kakain ng tatlong beses sa isang araw pero ngayon dalawa na lang. Magpapabakuna ako pero hindi pa dumarating sa amin. Nagpapasalamat ako sa national agencies, kay Senador Bong Go, kay Presidente Duterte, DSWD at DTI. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil binigyan kami ng ganitong TUPAD, ipambibili ng bigas, ulam at gastusin sa bahay,” pahayag ni Bustamante.