Pinabuting protocols para sa matatanda
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SA PANINIRAHAN kasama ang 84-anyos kong tiyahin, lahat kami sa bahay ay itinuturing na pinakamahalaga ang kanyang kalusugan ngayong may pandemya. Tulad ng maraming lampas 65 anyos, maghapon lang siyang nasa bahay upang maiwasang mahawahan ng COVID-19. Iyon ang proteksiyong ipinagkakaloob ng mapagmahal niyang pamilya.
Para sa kanyang kapakanan, hindi kami tumatanggap ng bisita. Maraming bahay ang ganito na. Pero aaminin kong nalulungkot ako na ang ganitong limitasyon ay nakababawas sa kalidad ng buhay ng maraming senior citizens. Literal na parang nabubuhay sila sa loob ng ‘bula.’
Kahit pa isama namin siya sa mall, halimbawa, hindi papayagang pumasok ang tiyahin ko, kahit pa mag-o-order lang ng takeout na pagkain o makikigamit ng banyo. Napapaisip tu0loy ako sa kalagayan ng mga soltero at soltera na magkakasama sa bahay o ng mga biyudo at biyuda na ang pamilyado nang mga anak ay sa malayo nakatira.
Ngayong marami nang senior citizens sa bansa ang nagpapabakuna kontra COVID-19, panahon na marahil na ikonsidera ng pandemic policymakers kung paano mapabubuti ang kalidad ng kanilang buhay para makalabas na sila sa ‘bula’ na kanilang kinakukulungan.
Tutal naman ay mayroon nang komprehensibong health protocols na umiiral sa mga pampublikong lugar upang maprotektahan sila sa hawahan, bukod pa sa dalawang beses na silang nabakunahan. Magpakatotoo na tayo. Maraming matatanda ang mas nangangambang makulong sa takot habang nasa loob ng bahay kaysa mamatay.
* * *
Siyempre pa, ilang senior citizens ang sadyang taong-bahay, kontentong nabubuhay sa kanilang pensiyon at masaya nang binabalikan ang mga alaala ng nakalipas, o kaya naman ay palakad-lakad lang sa hardin papasok sa loob ng ngayon ay mga bakante nang silid.
Para sa kanila, malaking ginhawa na ang pagdating ng inorder nilang pagkain, na ihahatid mismo sa gate ng kanilang bahay, o kaya naman ay mamimili online ng kung ano-anong abubot na maibibigay sa mga bumibisitang apo. Pero ang tanong, “Paano na ang kanilang 20% senior citizen discounts?”
May batas na naggagarantiya sa pribilehiyo nilang ito, at kahit pa ang pandemya ay hindi maaaring ipawalang-bisa ang karapatang iyon. Magkusa sanang mag-isip ng paraan ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno, tulad ng Departments of Trade and Industry at Social Welfare and Development upang makabuo ng mga patakaran para sa pamimili ng matatanda online, tulad sa Food Panda, Grab Food, Lazada, Shopee, at iba pa. Hindi ba’t malaking ginhawa ito para sa matatandang Filipino ngayong may pandemya?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.