SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
FOLLOWERS ba kayo ng dizi o Turkish drama series? Pwes, ito na ang pagkakataon ninyo para matunghayan ang Season 2 ng hit na Turkish drama series na Endless Love sa ETC Channel simula June 14, Lunes.
Ang Endless Love, o Kara Sevda sa Turkey, ay isang popular at award-winning na dizi na pinagbibidahan ng Turkish actor na si Burak Özçivit at sikat na Turkish actress na si Neslihan Atagül. Sila ang lovers na sina Kemal and Nihan. Naging malaking hadlang sa kanilang pagmamahalan ang kanilang agwat sa buhay. Mahirap si Kemal at mayaman si Nihan, na sa huli ay isinakripisyo ang kanyang pag-ibig kay Kemal para huwag mabunyag ang sikreto tungkol sa kanyang pamilya.
Sinimulan ng ETC Channel noong nakaraang taon ang pagkakaroon ng mga lokal na palabas gaya ng mga classic na Tagalog na pelikula, Filipino indie films, at Tagalized foreign teleseryes. Ang unang dalawang Tagalized dizi na ipinalabas sa ETCerye primetime block ay ang Everywhere I Go at Endless Love Season 1.
Naging mainit pagtanggap ng mga manonood sa mga palabras. Katunayan, matataas ang ratings, lalo na ang Endless Love.
Ayon sa Kantar Media, 114 sa 115 na episodes ng Endless Love primetime ay nagtala ng triple-digit ratings; 21 sa mga episode ay nakakuha ng 400+ points, pitong episodes ang nakasungkit ng 500+ points, at dalawang episodes (Episode 68 at Episode 114) ay pumelo sa 600+ points; 664.24 points ang nakuha ng Episode 68 at 664.24 ang nakuha ng Epsisode 114. Ang Season 1 finale, na iniere noong March 22 hanggang March 26 at ang pangalawa sa highest-rating week, ay umani ng 455.87 points. Ang Endless Love ay ang highest rating series sa 17 sa kasaysayan ng ETC Channel.
Mas exciting pa ang Endless Love Season 2 dahil makikipaghiwalay na si Nihan kay Kemal na makukulong dahil sa pagkakasangkot sa isang barilan. Mas marami ring lihim ang mabubunyag at mga relasyong masusubok sa Season 2.
“Tulad ng titulo ng record-breaking na serye sa kasaysayan ng ETC, ang pagmamahalan namin sa mga manonood ay isang ‘Endless Love,’” ani Wilson Tieng, CEO ng Solar Entertainment na parent company ng ETC. ”Nagpapasalamat kami sa mga manonood sa kanilang pagtangkilik. Makaaasa silang patuloy ang paghahatid ang ETC ng mga programa at pelikulang magbibigay saya at inspirasyon.”
Kaya huwag palampasin ang three-episode premiere ng Endless Love Season 2 sa June 13, Linggo, 7:00-10:00 p.m.. Regular airing tuwing 8:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes; at replay tuwing 1:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes. Mayroon ding catch-up marathon tuwing Linggo ng 1:00 p.m..
Mapapanood ang ETC sa SkyCable Ch.16, Cignal Ch. 21,CableLink Ch. 34, DTT Ch. 21 sa Metro Manila.