Monday , December 23 2024

Langgam mas may utak pa sa gobyerno — health workers (Sa palpak na CoVid-19 response)

ni ROSE NOVENARIO

MAS may utak pa ang langgam kaysa gobyerno.

Ganito isinalarawan ng lider ng unyon ng healthcare workers ang tugon ng adminis­trasyong Duterte sa CoVid-19 pandemic kaya lumala ang sitwasyon, lomobo ang bilang ng nagpositibo sa virus at pabagsak na ang health care system ng bansa.

“Nakalulungkot po kasi ang gobyerno natin, until now ay bingi pa rin sila sa panawagan natin. Until now bulag pa rin sila sa mga nangyayari sa paligid natin. Hindi po natin alam, bakit, bakit ganoon? Bakit ganyang klaseng kukote mayroon sila, bakit ganito kaliit. Kung tutuusin wala yatang kukote, ang langgam yata mas may kukote pa sa kanila,” sabi ni Cristy Donguines, president ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union – Alliance of Health Workers (JRRMMCEU-AHW) sa ginanap na virtual press briefing kahapon ng AHW.

Pahayag ng AHW, dapat managot ang Department of Health (DOH) at ang gobyerno sa kalunos-lunos na pagtugon sa pagkalat ng CoVid-19 sa bansa.

Anang grupo, resulta ito ng sukdulang kapabayaan, criminal neglect, at pagkabigo ng gobyernong Duterte sa paglaban sa CoVid-19.

“It is the result of extreme ineptness, criminal neglect and failure of the Duterte government in the fight against CoVid-19,” paha­yag ng AHW sa isang kalatas.

Ayon sa AHW, isang taon nang nagrere­komenda ang kanilang grupo ng solusyon sa pamahalaan kung paano tutugunan ang pandemya pati ang apela para ipagkaloob ang mga pangangailangan ng frontline health workers.

Sa kabila anila na binigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Bayanihan 1 at 2, bilyones na pondo para sa CoVid-19 response, ay nagtriple pa ang bilang ng mga taong nagpositibo sa virus mula noong isang taon.

“We frontline health workers have been presenting solution proposals to the government for a year in dealing with this pandemic. We have been presenting our demands, appeals and needs of our frontline health workers. President Duterte had been given all emergency power through Bayanihan Law 1 and 2. The billions of budget for CoVid-response are already centered into his administration but now the number of people being infected daily have increased triple fold than last year,” sabi ni Robert Mendoza, AHW National President.

Aniya, ang emergency rooms, Intensive Care Units, wards,  quarantine o isolation facilities ng private at public hospitals ay puno na ng pasyente, gayon din ang tents o modular container vans.

“Even non-CoVid wards are being used as CoVid wards. Outpatient departments are closed in most hospitals and many patients are being bumped off.”

Malala rin aniya ang kakulangan ng health workers kaya’t umaabot sa 12 hanggang 24 oras ang kanilang duty sa ipinatutupad na skeletal force.

Lalong nababawasan ang bilang ng health workers dahil marami sa kanila’y nagiging pasyente na rin dahil sa exposure sa CoVid-19.

Marami aniya ang nagbitiw o maagang nagretiro dulot ng matinding takot, pagod, pagkadesmaya at sobrang demoralisasyon.

“We are exhausted from long hours of duty and big number of patient workload. It’s frustrating and demoralizing that no matter how we try to treat our patients, more and more patients are coming to the hospital and they are waiting for long hours to be treated. Even supplies such as gloves are dwindling,” eksaspe­radong pahayag ni Donguines.

Tanong ni Karen Faurillo, President, All UP Workers Union-Manila, nasaan ang trilyong pisong budget para sa pagtugon sa CoVid-19 pandemic?

Nagtaka rin siya kung bakit hindi sapat ang mga gamot sa mga pagamu­tan, walang ventilators, medical supplies, walang sapat na PPE ang health workers, at hindi pinupunuan ang kakulangan sa manpower sa mga pagamutan.

Wala rin aniyang libreng regular mass testing, palpak ang contact tracing, isolation, at treatment.

Isiniwalat ni Rodel Aala, Public Relations Officer, Dr. Jose Fabella Memorial Medical Center Employees Union-Alliance of Health Workers (DJFMHEU-AHW), hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatanggap ang meal, transportation, at accommodation allowance ng karamihan sa frontline health workers at bakit ibinalik ito ng management sa DOH ang budget para rito.

Marami pa rin aniya ang hindi nakatatanggap ng special risk allowance at hazard pay at health benefits kapag nag­positibo sila sa CoVid-19.

“Why until now, we have not received the meal, transportation and accommodation allowance of many frontline health workers, and why have our management returned the allocated money for these benefits? Up to now some hospitals have not given the special risk allowance, our hazard duty pays, our health benefit if we get sick due to COVID-19,” ani Aala.

Tiniyak niBenjamin Santos, AHW secretary general, kahit pagod na pagod na sila’y hindi nila lulubayan ang panawagan sa gobyerno na ibigay ang kanilang mga benepisyo at tugu­nan ng health solutions ang CoVId- 19 pandemic at hindi lockdowns.

Hiniling rin niya na balasahin ang IATF, palitan ng health experts at mga scientists upang komprehesibong ma­solusyonan ang pandem­ya.

Kaugnay nito, tila wala sa reyalidad ang pahayag ng Malacañang sa hinaing ng health workers at nanindigan na ipinagkakaloob ng gobyerno ang lahat ng benepisyo ng health workers, pati PPE, at sagot din umano ng pamahalaan ang tinitir­han nilang dormitory.

“Alam ninyo napakalaki po talaga ng utang na loob natin sa medical frontliners natin. Sila po talaga ang ating mga sundalo rito sa giyera laban sa CoVid-19 at naintindihan po natin iyong hirap na walang katapusan po iyong dumarating na mga pasyente dahil nga po pumasok itong new variants na nakahahawa. So nagbibigay-pugay po tayo at ibinibigay naman po natin ang lahat ng pangangailangan ng ating health workers,” ani Roque sa Malacañang virtual press briefing kahapon.

“Sa ating Bayanihan Act, e mayroon po tayong mga ibinibigay na benepisyo kung sila po ay magkakasakit; sinisigu­rado po natin na kom­pleto sila ng PPE at iba pang protective equipment upang ang kanilang kalusugan ay mapangalagaan; binibigyan po natin sila ng mga dormitoryo dahil alam po natin na iyong ilang nurses lalong-lalo na ay nagdu-duty sila nang 2 weeks, sinasagot na po natin ang gastos ng dormitoryo ‘no,” aniya.

Giit ni Roque, hindi na kailangan makipag-dialogo sa iba’t ibang health care workers’ groups si Pangulong Rodrigo Duterte gaya nang ginawa ni US President Joe Biden dahil ikinukuwento naman ng Pangulo na may naka­kausap siyang doktor na nagsasabi umano ng mga nangyayari sa medical frontliners.

“At siyempre po kung ang tanong ay gusto pang makipag-dialogo, ang Presidente naman po talagang bukas ang kaniyang tanggapan para sa lahat ng Filipino na mayroong mga hinagpis na nais iparating sa kaniya. Pero hindi na po kinakailangang hingin iyan dahil ang Presidente naman po talaga patuloy po ang kaniyang pagda-dialogo sa mga miyembro ng mga medical frontliners. Kada kami ay nagkikita po, ikinukuwento niya kung sino naman ang nakausap niyang doktor dahil siya mismo po gumagawa ng hakbang para malaman kung ano talaga po ang nangyayari sa ating medical frontliners,” ayon kay Roque.

Isinalaysay ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr., sa kanyang pag-iikot sa ilang public hospital ay “high morale ang health care workers kahit pagod at ang dedication nila nakai-inspired.”

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *