TOULON, FRANCE — Kasunod ng sinasabing ‘show-of-force ng Amerikanong barco de guerra sa South China Sea, plano rin ng Pransya na paigitingin ang kanilang military presence sa nasabing rehiyon sa pagbalangkas ng dalawang paglalakbay ng kanilang mga naval warship sa pinag-aagawang karagatan na maituturing na pagsuporta sa panawagan ni United States president Joseph Biden sa G7 at European Union (EU) na magkaisa sa paghamon sa tinuturing na ‘expansionist’ foreign policies ng China sa Asya.
Sa opisyal na pahayag, inianunsiyo ng French navy na nilisan ng kanilang amphibious assault ship na Tonnere at frigate na Surcouf ang home port sa Toulon para bumiyahe patungong dagat Pasipiko sa isang tatlong-buwang misyon na maaaring ituring na muling pagkatig sa ‘freedom of navigation’ policy na ipinapatupad sa pinakamalaking karagatan ng mundo.
Napaulat sa website na Naval News na ang mga nasabing barko ay tatawid sa South China Sea nang dalawang beses at makikibahagi rin sa pinagbuklod na military exercise ng Japanese at US naval forces sa buwan ng Mayo ng taong kasalukuyan.
Sinabi ni Capt. Arnaud Tranchant, commanding officer ng Tonnerre, sa panayam ng Naval News, ng French navy ay ‘palalawigin’ ang partnership US, Japan, India at Australia — na kung tawagin ay Quad.
Nang tanungin ukol sa planong dumaan ng Taiwan Strait, sumagot si Tranchant na hindi pa niya natitiyak kung saan sila bibiyahe para sa kanilang misyon.
Sinabi ni Fu Kuncheng, dean ng South China Sea Institute sa Xiamen University, sadyang ‘nakaaalarma’ para sa China ang pagpapatrolya at military exercise na isinasagawa sa rehiyon ng South China Sea.
“It’s clear that the US hopes to combine with its North Atlantic Treaty Organization (NATO) allies to show off their muscles in the South China Sea with exercises and so-called freedom of navigation (operations),” punto ni Fu.
“When these countries advocate freedom of navigation, China should send warships to accompany them. But if they enter the territorial waters claimed by China, we must protest in accordance with the United Nations Convention on the Law of the Sea,” aniya.
(TRACY CABRERA)