Nag-post si KC Concepcion ng isang napakaikling video nilang dalawa ng kanyang amang si Gabby Concepcion sa kanyang social media account at nilagyan niya ng caption na ”love will keep us together.”
Umani naman iyon ng napakaraming likes. Iyan talaga ang kaibahan ni KC, kasi ang dating ng kanyang personalidad sa publiko ay napaka-wholesome, ano man ang sabihin ng iba. Bukod sa napaka-wholesome na nga ng kanyang hitsura dahil maganda, wholesome pa rin ang ipinakikita niyang ugali.
Halimbawa nga iyong nangyari sa kanya kamakailan sa Baguio, kinumbida siya roon para sa isang programa ng gobyerno. May nagpa-picture taking, pati nga ang asawa ni Mayor Magalong. Inalis niya sandali ang kanyang face mask dahil kabastusan nga naman iyong makikipag-picture taking ka eh, may takip ka sa mukha na parang isang bandido. Pero dahil doon, pinagmulta siya dahil nalabag ang ordinansa ng lunsod. Nagmulta si KC ng walang angal, at tapos humingi pa ng public apology dahil alam niyang nagkamali rin siya.
Kung naiba-iba iyan, baka nagtatalak na iyan sa social media.
Ang advantage nga kasi ni KC, very wholesome talaga ang kanyang personality. Maganda ang kinalakihan. Iyang mga ganyang bata, hindi mo masasabing lumaki sa sama ng loob at inggit. Kaya naman maganda rin ang ipinakikita sa kanyang kapwa. Hindi mo masasabing mayroong isang “coach” na nagtuturo sa kanya kung ano ang dapat gawin. Hindi mo masasabing may mga nagtatakip lamang sa kung ano man ang kanyang kapalpakan. Wala siya niyong lahat ng iyon pero talagang wholesome iyong bata eh.
Tingnan ninyo, dahil napaka-wholesome nga niya at hindi siya talakerang parang lumaki sa talipapa, exposed man siya sa social media wala kang makitang nanlait sa kanya at kung may maligaw mang hecklers, ipinagtatanggol siya ng karamihan. Hindi kagaya ng iba na libo-libo ang nanlalait.
Kasi nga ang nakikita kay KC, marunong siyang makibagay sa kapwa niya tao. Tingnan ninyo, noong lumubog sa baha ang Cagayan, naroroon siya kasama ng mga kaibigan niya para maghandog ng tulong. Puwede namang hindi siya pumunta roon. Ibigay niya ang donasyon niya sa isang TV network, sikat pa siya. Pero hindi, kasi alam niya kung ano ang magagawa ng kanyang presence sa calamity area. Iyan ang tao.
HATAWAN
ni Ed de Leon