MARAMING matatandaang kuwento ang mga nakasubaybay kay Tony Ferrer noong kanyang panahon. Siya si alyas Tony Falcon, Interpol Agent X44. Lagi siyang nakasuot ng ternong puti, na makipagbakbakan man siya ay hindi napupunit o nadudumihan man lang. Bukod doon, kahit na anong bakbakan pa iyan, hindi magugulo ang kanyang buhok.
Nang sumikat si Sean Connery bilang James Bond, maraming artistang Filipino na gumaya sa kanya. Iyon ang uso eh, iyon ang gustong panoorin ng mga tao. Si Eddie Fernandez si Lagalag. Si Alberto Alonzo si Agent 69. Maging ang dramatic actor na si Eddie Rodriguez, naging secret agent din bilang Paolo Stacatto. Hindi nagpahuli ang comedy king na si Mang Dolphy bilang Dolfinger. Sumabay din si Chiquito bilang James Bondat.
Pero iyong sinasabing si Mang Tony ang ”James Bond of the Philippines” ay mali. Kasi sinasabi nga niya na hindi niya ginagaya si James Bond. Gumawa siya ng isang character, si Tony Falcon, na agent ng Interpol, na hindi gumaya, kundi “nakipagsabayan” kay James Bond.
Laging naka-business suit na itim si Bond, kaya naman si Falcon, laging ternong puti kahit na sinasabi ng mga kritiko na mali iyon dahil si Falcon ay nagiging “easy target” ng mga kalaban. Pero kahit na nakaputi siya eh, tatamaan ba iyan eh bida siya.
Kung maraming magagandang babaeng nakaulayaw si James Bond, aba nakikipagsabayan si Falcon dahil kumukuha pa sila ng mga foreign actresses para makasama niya. Roon lang sa legendary film niyang Sabotage, na siyang top grosser sa kauna-unahang Manila Film Festival noong 1966, partner niya si Miriam Jurado, pero may Tisay doon, si Alicja Basili. At kung makipaghalikan sa pelikula si Falcon, talo si James Bond. Ang biruan nga noon baka maski nga si George Estregan sumuko eh.
Sa totoong buhay, may pagka-playboy din talaga si Mang Tony. Nakasama niya sa ilang pelikula at nang malaunan ay naging girlfriend ang magandang aktres na si Imelda Ilanan. Nagkaroon sila ng isang anak, si Maricel Laxa. Nang makasama naman niya ang beauty queen at Mutya ng Pilipinas winner na si Alice Crisostomo, niligawan niya iyon at matapos ang isang taon ay pinakasalan. Naging anak nila ang nag-artista ring si Mutya Crisostomo at isa pang lalaki, si Falcon. Nagkahiwalay din naman sila.
Nang lumain, nagkaroon siya ng isang non-showbiz partner, si Pinky Poblete, na siya niyang nakasama hanggang sa siya ay yumao nga noong Sabado ng umaga sa kanilang tahanan sa San Antonio, Pasig. May isa silang anak na lalaki, si Mark.
Si Mang Tony din ang sinasabing action star na nakagawa ng pinaka- maraming pelikula sa loob ng isang taon. May panahong nag-aabot sa mga sinehan ang mga pelikula niya. Sinasabing may pagkakataon na nakagawa siya ng 14 na pelikula sa loob ng isang taon. Walang tumalo sa kanya kundi si Chiquito na hawak ang record na 19 na pelikula sa loob ng isang taon.
Bagama’t marami pa namang offers na siya ay gumawa ng pelikula, tumatanggi na si Mang Tony dahil gusto niyang manatili sa alaala ng kanyang fans kung ano siya bilang action star, bilang si Tony Falcon. Pumayag lang siyang makasama sa pelikula ni Vhong Navarro na spoof ng kanyang Falcon Agent X44, at guest lang naman siya roon bilang “totoong Tony Falcon.”
In fact, ni walang picture na lumalabas na matanda na si Mang Tony, maliban sa isang natatandaan namin na kasama pa niya ang kanyang apong si Donny Pangilinan. At kung papansinin ninyo sa picture, bagets pa rin ang get up ni Mang Tony.
Yumao na nga si Mang Tony sa edad na 86. Yumao na naman ang isang legend ng Philippine Cinema. Hindi namin inaasahang gagawin din siyang “national artist” dahil hindi naman si Mang Tony iyong gumawa ng mga talagang artistic films, bagama’t magaganda ang kanyang mga pelikula. Mas pinili kasi niya ang mga pelikulang magiging box office hits, dahil iyon ang katiyakan na magpapatuloy ang industriya.
Pero nawala man si Mang Tony, hindi na siya makakalimutan.
HATAWAN
ni Ed de Leon