KAHIT naman narito sa Pilipinas, sa mga international schools nag-aaral ang mga anak ni Aga Muhlach. Hindi naman dahil sa ano pa mang dahilan, pero hindi nga maikakaila na mas mataas ang standards of education ng mga international schools. Ang sistema nila ay parang first world, kahit na nasa isang third world country. Ang facilities nila, natural parang first world din. Iyong kanilang sinusunod na curriculum, first world din. Kaya mas malaki rin ang chances ng mga nag-aaral sa mga international schools kaysa roon sa mga nag-aaral sa mga eskuwelahan dito sa atin.
Isa pa, kailangan din ng mga bata ng privacy, at kung sila ay mag-aaral sa mga eskuwelahan dito sa atin, hindi maaaring hindi sila usyosohin, lalo na’t kilala rin naman ang kanilang mga mukha dahil sa mga commercial endorsement na kanilang nagawa, at natural dahil anak sila ni Aga.
Natural lang naman siguro para sa kahit na sinong magulang, kung may kakayahan nga lamang ay ibigay sa kanyang mga anak ang pinakamahusay na edukasyon, dahil iyon ang magiging gabay nila sa kanilang buhay. At paano nga ba maipagpapatuloy ang nasimulan na niyang edukasyon para sa kanyang mga anak? Natural iisipin niyang papag-aralin ang mga iyon sa abroad.
Umalis na noong isang araw si Andres para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Spain. Naiayos na nila pati ang unibersidad na kanyang papasukan doon. Sinasabi nga ni Aga na bahagi iyon ng growing up, na masanay siyang makibagay sa ibang mga tao, bukod pa nga sa mas may privacy siya roon at makakapag-aral nang mas mabuti. Inisip din naman nila na delikado dahil umiiral din naman doon ang Corona virus pero dahil kasama nga sa tinatawag na “first world,” tiyak na mas mauuna pa roon ang vaccine kaysa rito kaya mas safe siya roon. Isa pa, may face to face education doon na mas mahusay naman talaga kaysa ipinatutupad ditong distance study learning, lalo’t hindi naman napaghandaan iyan kaya marami nga ring napupunang mali sa mga learning modules.
Iyong anak naman niyang babae,si Atasha, naka-enroll nga sa isang distance study program pero sa isang unibersidad naman sa United Kingdom, at sinasabi nga nilang siguro kung sa susunod na taon ay mas safe na nga ang sitwasyon, ipadadala rin siya sa abroad para roon mag-aral.
Lahat naman ng magulang iniisip siyempre kung ano ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak.
HATAWAN
ni Ed de Leon