IPINATAWAG ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang mga kinatawan Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) at Converge para bigyan ng ‘huling babala’ upang tugunan ang hinaing ng kanyang mga nasasakupan.
Ito ay makaraang ulanin ng reklamo ang alkalde ukol sa koneksiyon ng internet mula sa mga Valenzuelano nitong nagdaang Kapaskuhan.
Bago ito, sa social media ibinuhos ng alkalde ang ‘pag-usok ng kanyang bumbunan’ dahil lumalabas na ginagawa siyang utusan ng PLDT.
“PLDT cares I’m turning into your errands boy… people are lodging their complaints and concerns on my twitter account bec you guys refuse to act on your clients concerns. I don’t work for you!!! Your boss doesn’t pay for my salary!!! Sige lang, push me some more. Let’s see what happens. Sobrang daming complaints vs PLDT and Converge,” sabi sa post ng alkalde sa social media.
Noong unang bahagi ng Disyembre ay binantaan at tinuluyang suspendehin ni Gatchalian ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation.
Bunsod nito ay nagkaroon ng toll holiday sa lungsod na nagwakas lamang noong 16 Disyembre ngunit patuloy ang “barriers up” sa mga toll plaza sa lungsod mula 5:00 am hanggang 10:00 pm. (ROMMEL SALES)