IGINIIT ng pamunuan ng Quiapo Church na nasunod ng mga deboto ng Poong Itim na Nazareno ang health protocol sa pagdiriwang ng kapistahan sa kabila ng banta ng CoVid-19.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilalang bilang Simbahan ng Quaipo, naging maayos ang daloy ng kanilang aktibidad nitong Sabado dahil disiplinado ang mga dumalong deboto.
Naniniwala rin ang pari na hindi intensiyon ng mga deboto na lumabag sa social distancing dahil sa liit ng espasyo kaya hindi maiiwasan na magkadikit.
“Kung titingnan lang sa picture magkakadikit pero kung nandoon ka sa actual hindi talaga magkakadikit, sila rin naman ang umiiwas sa isa’t isa,” ayon kay Fr. Badong.
Ani Fr. Badong, hangad ng pamunuan ng Quiapo church na maging “super-spreader” ng pag-asa ang pagdagsa ng deboto sa kapistahan ng Itim na Nazareno at hindi spreader ng virus.