KABILANG sa mga mabubuting reaksiyon sa pamamaril ng isang pulis sa mag-inang Sonya Gregorio at Frank Anthony Gregorio sa Tarlac ay patindiin, kundi man paapawin, ang pananalig natin sa kapangyarihan ng Diyos na poproteksiyonan tayo sa mga kapahamakan.
May isang entry sa paparating na 2020 Metro Manila Film Festival (MMFF) na ang layunin talaga bagama’t sa anyo ng isang biography ng isang pari: ang Suarez: The Healing Priest.
Kabilang kami sa ilang batches ng media practitioners na kinumbida ng producer ng pelikula sa isang maliit na special preview room sa Quezon City noong Lunes ng hapon.
Paglabas namin ng preview room ng bandang 4:00 p.m. at habang nagmemeryenda sa katabing restoran ng post-production studio nayon, ay at saka lang namin nabasa sa isa sa aming social media accounts ang mga naglabasang balita tungkol sa karima-rimarim na pamamaril sa Tarlac.
Wala pang mga ganoong balita nang umalis kami ng bahay ng 1:50p.m. (isang maiksing sakay lang ng jeep ang layo ng bahay namin doon sa studio; 2:00 p.m. ang sinabi sa amin na iskedyul ng preview pero nga 3:00 p.m. na ‘yon nagsimula).
Wala kaming maalalang eksena sa pelikula na nagsasabi si Fr. Suarez na espesyal siyang tao dahil nakagagamot siya ng mga maysakit. Ang pinakamadalas banggitin ng pari ay kasangkapan lang siya ng Diyos sa pagpapagaling sa mga may sakit.
Bagama’t itinuturing n’yang regalo ng Diyos ang pagiging daluyan ng kapangyarihan Nito na direktang mapagaling sino man, bibigyang-diin ni Fr. Suarez sa ilang punto ng pelikula na hinding-hindi n’ya daramdamin kung biglang tumigil ang Diyos sa paggamit sa kanya. Patuloy pa rin siyang magiging pari na ang layunin ay ilapit sa mga tao ang Diyos.
Si John Arcilla ang gumanap na pari at si Jin Macapagal naman ang gumanap na batang Fernando Suarez na tubong Batangas na nagtapos ng Chemical Engineering sa Adamson University. Hindi pa man siya nagtatapos ng kolehiyo ay nararamdaman na n’yang gusto n’yang maging pari.
Kasi nga’y isang araw, habang nagsisimba siya, may babaeng lumpo na inalok n’yang tulungang magdasal. Pagkatapos nilang magdasal, unti-unting nagsumikap tumayo ang babae, at tuluyan nang lumakad. Nang panandliang huminto ang babae at tinanong sa malakas na tinig si Fernando kung sino siya, nahintakutan ang binata at siya naman ang tumalilis.
May mga ulat na sa simbahan ng Nazareno sa Quiapo naganap ang insidenteng ‘yon.
Hindi na nilinaw sa pelikulang idinirehe ni Joven Tan na sa Canada naging pari si Fr. Suarez dahil di n’ya nakasundo ang mga seminaryong pinasukan n’ya sa Pilipinas. Noong 2002 lang siya naordenahan sa Canada na roon siya itinalaga sa healing ministry.
Noong 2008 siya bumalik sa Pilipinas, nagsimula agad na magdaos ng healing masses kung saan-saan sa mainland Luzon pero pinaaalis siya ng mga obispong nakakabalita na umaapaw sa tao ang healing masses n’ya sa mga simbahang nasasakupan nila.
Tuwing pinaaalis siya, hindi siya nakikipagtalo sa mga obispo, mapayapa siyang nagpapaliwanag, at mapayapang umaalis, at pumupunta sa paglaon kung saan may paanyaya sa kanya na magmisa.
Walang eksena sa pelikula na nakipagtalo siya kahit kaninong obispo. Ang bawat pagpapalayas sa kanya ay tahimik n’yang tinatanggap bilang atas ng Diyos na pumunta siya sa ibang lugar kung saan maipadarama n’ya ang kapangyarihan ng Diyos na makapagpagaling.
Pati ang kaso ng akusasyong nangmolestiya siya ng dalawang binatilyong taga-San Jose ay ‘di n’ya nilabanan at sa halip ay hinayaan lang n’yang kusa siyang mapawalang sala. Na siya namang naganap.
Mismong si Fr. Suarez ay maraming ulit pinaranas ng Diyos ng kapangyarihan N’yang magligtas sa kapahamakan.
Sampu ang entries sa 2020 MMFF na ang presyo ng bawat online ticket ay P250. Kung isang pelikula lang ang maa-afford n’yong panoorin, maigting na inirerekomemda namin ang Suarez: The Healing Priest ang panoorin.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas