TILA nagiging suki na ng Ombudsman si dating Quezon governor at ngayo’y 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez dahil kahapon ay isinampa ang ikatlong kasong plunder o pandarambong laban sa kanya sa loob lamang ng mahigit isang buwan.
Batay sa 35-pahinang reklamo na inihain ng mga residente ng lalawigan ng Quezon na sina Leonito Batugon, Antonio Almoneda, Marie Benusa, at Mauro Forneste, wala umanong pakundangang nakipagsabwatan si Suarez sa mga dati niyang mga tauhan sa Kapitolyo para makulimbat ang ₱56.1-milyong piso sa loob ng tatlong taon nitong termino bilang gobernador ng lalawigan mula 2010 hanggang 2019.
Bukod sa plunder, inasunto rin ng patong-patong na kasong malversation, failure to liquidate funds, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Suarez, dating Provincial Accountant Evangeline Ong, Provincial Treasurer Rosario Marilou Uy, at Provincial Budget Officer Diego Salas.
Base sa reklamo, kaduda-duda umano ang serye ng paglalabas ng pondo ng probinsiya mula noong 2013 hanggang 2018.
Kabilang rito ang cash advance sa mga empleyado na umabot sa ₱8.7-milyong piso noong 2013, ₱3.4-milyong piso noong 2014, ₱1.9-milyon noong 2016, at hindi tumigil dahil ₱34-milyon pa ang nawawalang pondo ng lalawigan sa kaparehong kaparaanan noong 2017, at ₱8.1-milyon sa taong 2018.
Giit ng mga complainant, ang naturang halaga ay hindi pa nali-liquidate sa kabila ng ilang beses na direktiba ng Commission on Audit (COA) sa kanilang magkakasunod na annual report na tuusin ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang cash advances na umabot sa P56.1 milyon.
Noong nakalipas na buwan, inireklamo rin si Suarez at nabanggit na tauhan hinggil sa maanomalyang pagbili ng P70-milyong halaga ng agricultural at marine supplies.
Sinampahan din ng kasong plunder si Suarez bilang gobernador noong 2011 at provincial board nang bigyan ng P750 milyon ang Unlad Quezon Foundation Inc., isang NGO, para umano sa implementasyon ng livelihood projects.
Nakasaad sa 16-pahinang reklamo na pinahintulutan ng provincial board si Suarez na pumasok sa kasunduan sa Unlad Quezon kahit may kaduda-dudang kalipikasyon ang NGO.
Base sa rekord ng Securities and Exchange Commission, tumigil na sa operasyon ang Unlad Quezon noon pang 31 Disyembre 2012 pero mula Marso hanggang Mayo 2019 ay pinagkalooban pa rin umano ni Suarez at ng provincial board ang Unlad Quezon ng P63 milyon mula sa Pagbilao fund.
Ipinabubusisi rin sa Ombudsman si Suarez at mga opisyal ng lalawigan sa kuwestiyonableng paggasta ng pamahalaang panlalawigan ng P62,730,000 ilang buwan bago naganap ang May 2019 elections. (ROSE NOVENARIO)