NATATANDAAN n’yo pa ba ang damuhong opisyal sa Bureau of Immigration (BI) na kuwestiyonableng nakabili ng bullet proof SUV?
Noong nakaraang taon ay itinampok natin sa pitak na ito ang raket ng nasabing BI official at ilan niyang alipores sa ilegal na pagpapapasok ng mga dayuhang Bombay kapalit ng malaking halaga ng suhol mula sa mga kasabwat na sangkot sa sindikato ng human trafficking sa bansa.
Alumpihit daw itong si ‘Al’ (as in “Boy Arson”) at hindi magkandatuto sa kaiisip ng paraan kung paano ilulusot ang sarili sa matinding atraso na kanyang kinasasadlakan sa ngayon.
Umaalingasaw kasi ang balita sa BI na nasunog pala ni Al ang natanggap na “budget” mula sa mga dayuhang aplikante para sa Japanese Quota at Lifting of Blacklist.
Problemado si Boy Arson dahil sa mga nasunog niyang salapi at hanggang ngayon ay hindi pa natatapos na dokumento ng mga nagsipaghatag na aplikante.
Sa pagkakaalam natin, hindi bababa sa P300-K ang kinita ng opisyal bawa’t aplikanteng Hapones at “gayla” para sa lifting order ng mga dayuhang blacklisted na pumasok dito sa bansa.
Kung susumahin ay milyon-milyon ang salaping sinunog ni Boy Arson mula sa hatag ng mga aplikanteng Hapones at mga blacklisted na dayuhang nagpapalakad ng lifting order pero hanggang ngayon ay hindi natatapos ang mga dokumento.
Aba’y, kayo man ang nasa katayuan nitong si Al, alyas Boy Arson, ay tiyak na iikot din ang inyong tumbong!
Ang pinakamadaling alibi na naisip ni Boy Arson ay ipangalandakang sisibakin ng Malacañang si Commissioner Jamie Morente sa puwesto at siya raw ang ipapalit bilang susunod na hepe ng BI.
Ang kahiya-hiya, maagang nabisto ang ipinagkakalat na intriga ni Boy Arson laban kay Morente.
Siyempre, kabado rin si Morente kaya’t nang makarating ito sa kanyang kaalaman ay agad na tinabasan nang poder si Boy Arson at nagmistulang ibon na nabalian ng pakpak.
Abala raw ngayon si Boy Arson sa paghahanap ng papadrino sa kanya sa Malacañang para masulot ang puwesto ni Morente.
Si Boy Arson ay matatandaang bumida sa magkasunod nating kolum noong Oktubre 2019 na nakabili ng P10-M halaga ng high-end bullet proof na SUV.
Siya rin si alyas Al na daig pa ang mas matataas na opisyal ng pamahalaan sa sobrang dami ng mga sasakyan na laging nakabuntot sa kanya.
Pero ang pinakamalaking problema ni Boy Arson ay oras na magreklamo ang mga aplikanteng binakalan niya at mauwi sa malaking eskandalo.
SINA “BOY CHIKININI” AT ‘ATE CRIS’ SA BI
SINO naman itong isang opisyal sa BI na ang opisina ay pinakikialaman ng kanyang asawa?
Ang asawa raw ang siyang nasusunod kung sino ang mga ipapasok at magtatrabaho sa opisina ng BI official.
Katunayan, kamag-anak pala ng kanyang maybahay ang isang ‘Ate Cris’ na tinaguriang “bagman” sa tanggapan ng naturang opisyal.
Napag-alaman na si Ate Cris ay bilas ng BI official at hipag naman ng kanyang maybahay.
Ang nasabing maybahay din daw ang nagpasok kay alyas Boy Chikinini, isang abogado sa tanggapan ng opisyal na tulad ng kanyang amo ay masiba rin sa pera.
Itong si Boy Chikinini ay napag-alaman na muntik nang makasuhan ng extortion matapos magtungo sa tanggapan ng isang travel agency na pag-aari ng isang nagngangalang “Peter” para mangolekta ng ‘tong’ sa nabistong Visa Upon Arrival (VUA) raket.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid