LAKING-TUWA ng 22 Navoteños mula sa informal work sector nang mabigyan sila ng libreng bisikleta at android mobile phones mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ay proyekto sa ilalim ng Integrated Livelihood and Emergency Employment Program o FreeBis (Bisekletang Panghanapbuhay) ng DOLE.
Pinangunahan nina Navotas congressman John Rey Tiangco at DOLE CAMANAVA Director Rowella Grande ang pamamahagi ng mga bisikletra at cellphone.
Ayon kay Cong JRT, maaaring gamitin ng mga benepisaryo ang bike at cellphone para makatulong sa kanilang online o loading business.
Ang FreeBis bikes ay kompleto ng mga gamit kasama ang helmet, raincoat, vest, water bottle, at thermal bag. Nakatanggap din ang mga benepisaryo ng android mobile phone na may P5,000 load.
Kaugnay nito, sampung frontliners na naglilingkod sa Navotas City Hospital at City Health Office ang nabiyayaan ng bike ni Navotas Mayor Toby Tiangco.
“Ito ay bilang pagbibigay-pugay sa kanilang pagsasakripisyo at pagsisilbi sa atin sa kabila ng panganib at hirap na dulot ng CoVid-19. Lubos po tayong nagpapasalamat sa kanila at dasal natin na lasi silang ligtas sa mga sakuna,” pahayag ni Mayor Tiangco. (ROMMEL SALES)