NAPILI na naman si Angel Locsin ng isang international magazine, iyong Tatler Asia bilang isa sa mga pangunahing personalidad sa Asya dahil sa kanyang mga pagkakawanggawa. Sinasabing kaya siya napili ay dahil sa mga accomplishment niya noong sumabog ang bulkang Taal, at ang kanyang pagtulong sa testing at pagpapatayo ng emergency tents para sa mga frontliner nito namang panahon ng Covid.
Sa totoo lang, ang marami sa ipinatayong emergency tents ni Angel ay ginamit din bilang emergency confinement area para sa mga may sakit na Covid na hindi matanggap ng mga ospital na puno na rin. Talaga namang dapat parangalan si Angel.
Hindi naman iyan ang first time niya. Noong nakaraang taon, kinilala na rin siya ng Forbes Magazine dahil sa ginagawa niyang pagtulong sa kanyang kapwa.
Actually ang nakikita namin kay Angel Locsin ay ang magandang halimbawa na sinimulan ng aktres na si Rosa Rosal, na minsan ay naging governor din ng Red Cross, na nakita rin natin ang pagsisikap makatulong lang sa kapwa. Basta may disaster, naroroon agad si Rosa Rosal, at may panahong sinasabi nga niya, nalaman na lang niyang napakalaki na pala ng kanyang utang sa isang drug store chain dahil sa mga kinukuhang gamot doon na lahat nakalista sa kanyang pangalan. Sabi nga niya noon hindi na niya alam kung paano babayaran ang lahat ng iyon. Pero may mga tumulong din naman yata sa kanya para mabayaran ang kanyang naging mga utang dahil sa pagtulong sa kapwa.
Nakatutuwa ang nangyayaring iyan kay Angel. Nakatutuwa na rito sa Pilipinas, sa bawat panahon ay may sumusulpot na isang personalidad, isang aktres na tumutulong sa pangangailangan ng lahat. Nakatutuwa, pareho pa sila ni Rosa Rosal na nagsimula sa Red Cross.
HATAWAN
ni Ed de Leon