MAY mga nakakapansin, mukhang may isang lumalakas na kampanya mula sa publiko na ideklarang isang national artist si Congresswoman Vilma Santos. Lalo yatang umugong ang kuwento nang si Ate Vi ay maging guest pa sa isang on line talk show na ginagawa ng CCP at NCCA. Iyang dalawang ahensiyang iyan ang nagsusuri at gumagawa ng rekomendasyon sa presidente ng Pilipinas kung sino ang idedeklarang national artist.
Hindi naman maikakaila na iyan ay pangarap na karangalan ng kahit na sinong artista. Pero ano nga ba ang masasabi ni Ate Vi sa napapansing dumaraming mga tao na nagsasabing dapat siyang ideklara ring isang national artist?
“Isang malaking karangalan iyan. Kung sabihin nga nila bihira ang nakakukuha niyan. Isipin ninyo sa dinami-rami ng mga mahuhusay na artista, director at iba pang manggagawa sa industriya ng pelikula ilan nga lang ba ang tinawag na national artist?
“Pero sa akin, sa panahong ito. Aba maraming salamat kung may ganyang dumating, pero salamat din naman kahit na hindi. Kahit noon naman eh, sinasabi ko masarap ang tumatanggap ng awards, pero mas masarap iyong alam mong nagugustuhan ka ng maraming tao sa iyong sining. Sa tuwing gumagawa ako ng pelikula at nalalaman kong pinanonood ng maraming tao, iyong kasiyahan ko parang tumatanggap ako ng award. Bawi na ang pagod ko. Para sa akin iyang awards, bonus na lang eh. Mas mahalaga sa akin iyong kumikita ang proyekto dahil ibig sabihin niyon gusto ka ng mga tao, at tiyak na may kasunod ka pang pelikulang gagawin.
“Mahaba pa ang panahon ko. Hindi naman ako titigil sa pagiging artista lang. Hindi ba noon pa naman sinasabi ko nang gusto kong maging director din. Gusto kong maging producer din. Hindi ako nagbabanggit ng retirement sa showbusiness dahil bakasyon lang ako riyan. Oras na mag-retire ako sa politika, alam ko iyan ang babalikan ko.
“Nabigyan na ako ng mga lifetime achievement awards. Masyado ngang maaga sa palagay ko, kasi marami pa akong gagawin. Mahaba pa ang panahon ko para riyan,”sabi ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon